Inaabangan na si Willie Revillame ng ating mga kababayan sa Tacloban City na tunay namang sinalanta ng super typhoon. Sa darating na Dec. 21 ay pupunta na ang grupo ni Willie sa nasabing lugar, mag-iikot sila para sa pamimigay ng maaga nilang pamasko, at sa Dec. 22 naman ay isang malaking variety show ang ihahandog ng aktor-TV host para sa mga survivors ng Yolanda.
Naipahanda na ni Willie sa kanyang mga staff ang mismong lugar kung saan siya magso-show, kasama niyang magpapasaya sa ating mga kababayan sa Leyte ang kanyang mga dancers at artista na siya mismo ang gagastos para sa talent fee, mag-isang bubunuin ni Willie ang paghahandog ng palabas para sa ating mga kababayan sa Tacloban.
“Kapag pinanonood ko ang nangyari sa kanila, e, isa lang ang palagi kong naibubulong sa sarili ko. Napakasuwerte ko, nating mga hindi binagyo, dahil hindi lang naman kabuhayan nila ang winasak ni Yolanda kundi pati ang mga mahal nila sa buhay.
“Nagpadaan lang ako ng panahon, inuna ko muna ang pagtulong para sa pagbangon nila, ‘yun muna ang kailangan. Pero naiisip ko rin na sana, kahit paano, e, makapagbigay naman tayo ng ngiti sa kanilang labi, malaki ang maitutulong sa pagre-recover nila ang pagiging masaya, kaya nagbuo agad kami ng show na para sa kanila lang talaga,” kuwento ni Willie.
At ito ay ginagawa ni Willie nang wala na siyang pinagkakakitaang show, wala na siyang suweldo buwan-buwan, pero nasa puso pa rin niya ang pagsuporta-pagtulong sa mga kababayan nating kapuspalad na matagal na niyang ginagawa.
“Napakasuwerte natin, du’n pa lang, marami nang dahilan para tayo makapag-share sa mga sinalanta nating kababayan sa Kabisayaan,” sinserong pahayag pa ni Willie Revillame.
( Photo credit to Google )