Paskong nagdurusa

Maligaya ba ang Pasko sa nagdurusang mamamayan? —masakit na tanong sa pagtatapos ng pagninilay-nilay sa Ebanghelyo noong Sabado, SIR 48:1-4, 9-11; Ps 80; Mt 17:9a, 10-13

UNA, ang pagninilay-nilay sa Ebanghelyo ay hindi isinulat ngayong Disyembre.  Mas lalong hindi ito isinulat ngayong taon.  Ito’y isinulat bago pa man sumapit ang “ber months” noong 2012.

Sa sumulat ng pagninilay-nilay noong 2012, hindi niya alam na lulumpuhin ni Yolanda ang Central Visayas sa pamamagitan ng pinakamalakas na hangin at pinakamataas na daluyong ng dagat.

Hindi niya alam na mas darami pa ang mahihirap dahil tinapatan ito ng mas dumaming bilang ng mga walang trabaho bunsod ng kawalan ng tulong Department of Labor and Employment sa mga walang trabaho, kawalan ng tulong ng Department of Trade and Industry sa mga negosyong gumegewang, kawalan ng tulong ng Department of Social Welfare and Development sa mga naninirahan sa mga estero, ilalim ng tulay at libu-libo pang squatter; at kawalan ng pansin (kung walang pansin, walang tulong) ng pamahalaan.

Bago sumapit ang Simbang Gabi, binatikos ni Pope Francis sa Vatican ang di makatarungang malalaking bonus, malalaking suweldo na aniya’y sintomas ng ekonomiya na base sa pagkagahaman at pagpapanatili ng di pantay na uri sa lipunan.

Hiniling ng Santo Papa ang pakikibahagi ng yaman sa mahihirap para mabawasan, kundi man mapaliliit, ang agwat ng dukha mayayaman at makapangyarihan, o nasa poder.

“The grave financial and economic crises of the present time… have pushed man to seek satisfaction, happiness and security in consumption and earnings out of all proportion to the principles of a sound economy,” anang Papa.

“The succession of economic crises should lead to a timely rethinking of our models of economic development and to a change in lifestyles.”  Para sa kabatiran ng arawang obrero at mahihirap, sa nararanasang mga krises ay nagagawa pang maligaya ng mga hungkag.

Muling pag-aaral dahil sa mga krises?  Ito’y pangarap lamang ng Papa at dahil mauubos na ang mga araw ng taon, mananatiling nasa pangarap na lang ito.

Hiniling ni Pope Francis ang maging patas (pero, hindi naging patas lalo pa sa mga kaaway sa politika at mas lalong hindi patas kapag napakinabangan na), ang magtipid (pero, hindi pagtitipid ang patuloy na pangangamkam ng pondo, ng pera ng taumbayan para sa personal na pasya kung saan nais gastahin ito), at maging mas malapit sa mahihirap at dumaranas.

Sa papalapit na pagsilang ng Mesiyas, walang lingap sa mahihirap at dumaranas ang gobyerno, bagkus ipinakita pa ng Iglesia ni Cristo ang pagkalinga, lingap at paglapit sa mahihirap.

Napilitan lamang lumapit sa mahihirap ang mapanising administrasyon nang ihayag ng CNN sa buong mundo ang kawalan ng gobyerno, kawalan ng lider, kawalan ng tulong at direksyon sa Tacloban City.

Pero, ang paglapit sa mahihirap at dumaranas ay hindi ganap, tulad ng  pinatunayan ng libu-libong mambabasa’t tagasubaybay ng Bandera.  Ang paglapit ay nasa telebisyon at pahayagan (hindi Bandera) lamang at hindi mula sa bayan.

Binatikos din ni Pope Francis ang kawalan ng katarungan, krimen at human trafficking.  Walang katarungan sa dilaw na pamahalaan kung ang turan ay ang Luneta hostage, ang pagsisi pa sa mga sundalo na pinatay at pinugutan sa Al Barka, ang paghahamon sa nag-aalsa sa Zamboanga City, imbes na kausapin ang lahat ng may kinalaman sa partido’t usapin.

Si Pope Francis ay hinirang na Person of the Year ng Time magazine dahil sinabi niyang isang bilyon katao ang nagugutom araw-araw, na hindi napasubalian bagkus ay higit pang napatunayan.

Tulad sa Pilipinas, matagal nang napatunayan ang nagugutom, pati na ang kaalyadong survey firm, na patuloy na niloloko ang arawang obrero at mahihirap dahil kailanman may hindi sila tinanong hinggil sa pamumuhay, hinggil sa matadang binata na hindi makapag-asawa sa kabila ng pag-uulat na may mga babaeng kinatatagpo sa restaurant (sana’y hindi gutom ang mga babaeng ito na nalilibre sa hapunan at pananghalian daw), atbp., lugar.

Sana’y maligaya ang Pasko sa napakataas na singil sa kuryente.  Sana’y maligaya ang Pasko sa pagsunod sa pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin.

Sana’y maligaya ang Pasko ng mga dukha sa Compostela Valley, Samar, Leyte, Masbate, Metro Manila, Aurora at Quirino.  Sana’y maligaya ang Pasko kay Alfred Romualdez na tinakot (hindi raw tinakot kundi pinagsabihan at pinaalalahanan lang) at sinabing Romualdez ka lang at Aquino ang apelyido ng president.

Sana’y maligaya ang Pasko sa mga biktima nina Sendong at Pablo. Sana’y maligaya ang Pasko sa mga nilindol sa Bohol, na ginamit lamang ang kanilang paligid para maging pogi, pero gayunpaman ay kulang pa rin sa timbang.

Sana’y kaawaan na ang pinapatay na mga mamamahayag, na hindi itinuring at kinilala ang kanilang pagkamatay.
Sana’y bilangin na ang mga patay sa Yolanda nang matahimik na ang kanilang kalukuwa.

Read more...