Ang nagagawa nga naman ng negatibong kuwento. Pati ang mga bagets na anak ng mga kaibigan namin ay bumitiw na rin pala sa pagkakaroon ng crush kay Anne Curtis. Biglang tinabangan ang mga bagets sa young actress.
Nu’n pala ay nagyayaya pa ang mga bagets para lang makita nang personal si Anne, bumibili pa sila ng mga magazines na ang young actress ang nasa cover, pero mula nang lumabas ang kuwento tungkol sa kanyang paglalasing at pagmamaldita at pananampal ay bigla nang nag-urungan ang mga bagets sa pagkagusto kay Anne.
‘Yun ang nakalulungkot sa mga artistang may magandang imahe. Minsang mamantsahan ay tapos na ang lahat ng magagandang nagawa nila. Nakapanghihinayang ang ganu’n.
Isang malaking halimbawa ang nangyari kay Anne na hindi dapat tularan ng mga kapwa niya artista. Sa isang gabing pagsasaya lang ay isang matinding kontrobersiya naman ang naging kapalit.
Naburang lahat ang positibong pagkakilala sa kanya at ang pumalit ay napakanegatibong imahe na kung tutuusin ay puwede naman sanang naiwasan.
Nakakaawa si Anne, pero siya rin naman kasi ang humingi ng ganitong senaryo, kundi siya nagpadala sa kalasingan ay wala sanang ganitong nangyari sa kanya.
Kung ang mga bagets niyang tagahanga ay kumalas na sa kanya, paano na kaya ang mga pag-eendorsong pinapakyaw niya nu’n, patuloy pa rin kaya siyang pagkatiwalaan ng mga ahensiya para magbenta ng kanilang mga produkto?
( Photo credit to Google )