Celeste Cortesi ilalantad mga ‘lihim’ sa 8-part docu na ‘Celeste Unscripted’

IBABANDERA na ni Miss Universe Philippines 2022 Celeste Cortesi ang mga pinagdaanan niyang extra challenge sa kanyang personal life at career.
Matapos ang mga pagsubok at hamong hinarap niya sa mundo ng pageantry sa Pilipinas, handa na ngayong ibahagi ni Celeste ang kanyang “truth” sa reality docuseries na “Celeste Unscripted.”
Mapapanood ang TV premiere nito sa GTV sa August 8, habang ipalalabas naman ito sa buong mundo sa pamamagitan ng GMA Life TV simula August 15.
Sa naturang walong bahaging dokumentaryo, masasaksihan ang panibagong yugto ng buhay ni Celeste habang tinatahak ang landas ng pag-ibig, negosyo, at ang pagiging ina.
Ipakkita rin dito ang kanyang journey mula sa pagiging beauty queen hanggang sa pagiging beauty entrepreneur sa likod ng beauty brand na ASUL.
Hindi na bago kay Celeste ang mapabilang sa mga celebrities na palaging iniintriga at nakakatanggap ng iba’t ibang puna bilang isang public figure.
Bagama’t pansamantala siyang lumayo sa limelight, ngayon ay handa na siyang magbukas ng bagong kabanata sa kanyang life.
Mas matapang, mas prangka, at unfiltered, ibinabahagi ni Celeste ang isang mas personal na bahagi ng kanyang buhay upang ipakita sa publiko kung sino talaga siya sa likod ng korona at ng kamera.
Baka Bet Mo: Celeste Cortesi hiwalay na nga ba sa ama ng kanyang ipinagbubuntis?
Sa isang Instagram reel sa Celeste Unscripted Official, super excited na si Celeste na mapanood ng publiko ang kanyang docu series.
“It’s sort of a documentary about my life, most especially after Miss Universe. We’re filming many aspects of my life—work, leading my brand, ASUL, my relationship—everyone will know now,” aniya.
Nagbigay rin ng pasilip ang docuseries sa mga makabuluhan at maiinit na pag-uusap kasama ang ilan sa mga pinakamahahalagang tao sa buhay ni Celeste—si Benj, ang kanyang matalik na kaibigan, at si Marky, ang kanyang kanang kamay sa ASUL.
Dapat ding abangan ng fans ang pagbasag nina Celeste at ng British businessman na si Jonathan Sterling sa kanilang katahimikan tungkol sa mga kontrobersiyang bumalot sa kanilang relasyon.
Magkasama nilang ibabahagi ang kanilang kuwento ng pag-ibig, mga biyahe para sa trabaho at bakasyon, at ang kanilang paglalakbay patungo sa pagiging mga magulang.
Sa isang teaser clip ng palabas, ipinaliwanag ni Jonathan kung bakit siya pumayag na ibahagi sa publiko ang bahagi ng kanilang buhay.
“I’d rather they see it for themselves than hear it secondhand from somebody else who doesn’t know, and then a bunch of rumors will spread,” aniya.
Ang serye ay likha ng Emmy Award-winning producer na si Michael Carandang, Presidente at CEO ng Goat Creative Studios, na kilala sa paglikha ng mga reality series, dokumentaryo, at mga programang may pandaigdigang apela.
Asahan ang mga totoo at nakaaantig na kuwentuhan sa “Celeste Unscripted”, na mapapanood tuwing Sabado, 10:30 p.m. sa GTV at GMA Life TV.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
