GAYA ng inaasahan, kinampihan ni Pangulong Aquino si Interior Secretary Mar Roxas sa away nito kay Tacloban City Mayor Alfred Romualdez.
Pinatotohanan ni Aquino na siya ang humingi ng dokumento mula kay Romualdez upang payagan ang pamahalaan na mag-take over sa siyudad na sinalanta ng super typhoon Yolanda.
“Let’s put it down in writing to make sure (about the division of labor),” ani Aquino na kanya umanong utos kay Roxas.
Idinagdag niya na naging “pantay” ang trato ng kanyang pamahalaan sa Tacloban City at kay Romualdez.
Pero sinabi ni Aquino na, “Unfortunately, and I think all of you are witnesses, what has transpired is a media war.”
Kinastigo rin niya si Romualdez sa pagrereklamo nito sa media.
“He has spent time, a lot of interviews, from Day One as opposed to doing what he is supposed to do,” giit niya. Matatandaan na todo-tanggi si Roxas sa mga ibinandera ni Romualdez na ginipit niya ang alkalde kasunod ng pananalasa sa siyudad ng super typhoon Yolanda.
Isiniwalat ni Romualdez sa pagdinig sa Senado noong isang linggo na tutulungan lamang ng pamahalaan ni Pangulong Aquino ang Tacloban City kung siya ay magbibitiw sa puwesto.
Tumanggi rin si Roxas na may bahid pananakot ang sinabi niyang magkaaway ang pamilya Romualdez at ang pamilya ng Pangulong Aquino.
( Photo credit to INS )