Kris: Sa tingin ko wala namang naging pagkukulang si P-NOY!


TULAD ng inaasahan, ipinagtanggol ng Queen of all Media na si Kris Aquino ang kanyang kuya na si Pangulong Noynoy Aquino.

Ito’y  may kinalaman pa rin sa akusasyon ng ilang sektor sa pamahalaan na nagkulang daw sa pagsasagawa ng relief mission sa mga nabiktima ng bagyong Yolanda sa Visayas region.

Nu’ng Biyernes, personal na nagtungo si Kris sa Tacloban City para mamigay ng relief goods sa Yolanda survivors. Matagal na itong gustong gawin ng TV host-actress pero ngayon lang nila ito naisakatuparan dahil na rin sa paghihintay ng tamang panahon.

Sa isang interview, sinabi ni Kris na hindi ito ang tamang panahon para magsisihan o magturuan kung sino ang nagkulang at kung sino ang hindi.

“I don’t think that my brother has any pagkukulang, and you can’t blame me for wanting to speak up for my brother, because no leader would want this to happen to his country,” paliwanag ng presidential sister nang tanungin ng press sa Tacloban.

Dagdag pa niya, “And I think it’s unfair for anybody, whether…kung anuman ang political color mo, to point fingers, di ba, because the important thing is magtulungan tayo because we’re all Filipinos.”

Naiipit din ngayon si P-Noy sa kontrobersiyang namamagitan kina DILG Sec. Mar Roxas at Tacloban City Mayor Alfred Romualdez. Inaakusahan kasi ni Romualdez si Roxas at ang pamahalaan na pinupulitika siya.

Ayon sa mga news report, ang gusto raw kasi ni Roxas ay mapatalsik ang alkalde sa posisyon para ang kalihim na ng DILG ang mamahala sa relief operations sa kabisayaan.

Si Roxas ay kaalyado ni P-Noy, habang si Romualdez ay pamangkin ni Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos, ang asawa ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat ang nangyaring hidwaan noon sa pagitan ng mga Aquino at ng mga Marcos.

( Photo credit to Google )

Read more...