Mahal, mapaminsalang offshore wind auction sinuspinde ng DOE

Mahal, mapaminsalang offshore wind auction sinuspinde ng DOE

Jan Escosio - July 13, 2026 - 02:14 PM
Mahal, mapaminsalang offshore wind auction sinuspinde ng DOE

MABUTI naman at natauhan din ang ating gobyerno!

Ilang beses na nating binalaan ang publiko sa espasyong ito tungkol sa posibleng dagdag-pahirap na dala ng offshore wind projects o ‘yung mga naglalakihang wind turbines na itatayo mismo sa gitna ng dagat.

Kaya naman makakahinga tayo nang maluwag matapos ianunsyo ng Department of Energy (DOE) na sinuspinde nila nang walang katiyakan (indefinitely) ang ika-limang round ng Green Energy Auction Program (GEA-5) na eksklusibo sana para sa offshore wind.

Kailangan daw muna nilang pag-aralang mabuti at i-recalibrate ang programa dahil sa patong-patong na isyu, kabilang na ang kakulangan ng daungan, komplikadong proseso sa permit, mga implikasyon sa kapaligiran, at ang malakihang gastusin para sa mga itatayong imprastraktura sa dagat.

Baka Bet Mo: DOE todo-bantay sa gas station na nag-advance ng taas presyo, iimbestigahan

Idagdag pa riyan ang isyu sa pandaigdigang kalakalan dahil sa sigalot sa Middle East.

Sabi ko na nga ba eh! Hindi biro ang pinapasok nilang ito.

Matagal na nating isinisigaw at itinatanong: Bakit natin ipipilit ang teknolohiyang ito kung magdudulot lamang ito ng matinding pasakit sa bulsa ng pamilyang Pilipino at posibleng sumira pa sa ating inang kalikasan?

Mantakin niyo, bago pa man ang suspensyon, nagtakda na ang Energy Regulatory Commission (ERC) ng P11 kada kilowatt-hour na ceiling price para sa offshore wind.

Uulitin ko, P11/kWh! Hamak na mas mahal yan kumpara sa P3.56/kWh (base sa rekord noong Enero) sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).

Sa bawat isang kilowatt-hour mula sa offshore wind, makakabili ka sana ng tatlong kilowatt-hour mula sa WESM!

Kung natuloy ang pag-award ng 3,300 megawatts na target sana ng GEA-5 para sa 2028 hanggang 2030, saan kukunin ang bilyun-bilyong pisong pondo para sa mga kable at mga espesyalisadong imprastrakturang pandagat?

Siyempre, ipapasa na naman yan sa ating mga buwanang bill sa kuryente sa pamamagitan ng GEA-All (Green Energy Auction allowance)!

Ang pagtatayo ng mga naglalakihang istrukturang ito sa dagat ay nangangahulugan din ng pagkasira ng mga marine habitats.

Paano na ang kabuhayan ng ating mga mangingisda? Nariyan din ang bantang panganib ng mga mapaminsalang bagyo na maaaring sumira sa mga ito, na sa bandang huli, ay tayo ring mga Pilipino ang sasalo sa pagkalugi.

Isang malaking tagumpay para sa taumbayan ang desisyong ito ng DOE.

Tama at kapuri-puri ang naging hakbang nila na mag-preno at unahin muna ang reyalidad ng ating bansa kaysa piliting makipagsabayan sa mga ambisyosong banyaga.

Nakakatuwa rin ang balita na pinalawig ng ERC ang suspensyon sa pangongolekta ng P0.0371/kWh na GEA-All sa ating mga bill bilang tulong para maibsan ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin.

Kahit papaano, ngayong linggo ay may magandang balita para sa naghihingalong badyet ni Juan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Sana lang ay tuluyan nang mamulat ang gobyerno at pakinggan ang boses ng mas nakararami: suportahan natin ang mga abot-kayang pinanggagalingan ng kuryente, hindi ang mga proyektong pilit pinagmumukhang “green” pero ubod naman ng mahal at nakakasira pa ng kalikasan!

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending