Itigil na ni P-Noy ang pagiging benggatibo

ANG pagpatay sa mga journalists ay isang pambansang trahedya, ayon sa Human Rights Watch (HRW) na nakabase sa New York.

Ang pagpaslang ng tatlong journalists sa loob ng dalawang linggo ay “isang digmaan laban sa media,” sabi ng HRW.
Si Rogelio Butalid, isang komentarista sa Radyo Natin sa Tagum City sa Davao del Norte, ay binaril ng di pa nakikilalang kalalakihan noong Miyerkules nang siya’y papauwi na pagkatapos ng kanyang programa.

Si Michael Milo, na nagtatrabaho sa isang radio station, ay binaril noong Dec. 6 sa Tandag City, Surigao del Sur.

Bago pinatay si Milo, napatay sa pamamaril si Joas Dignos, isa ring empleyado ng radyo sa Valencia City, Bukidnon ng di pa kilalang tao.

Lahat-lahat, 27 mamamahayag ang napatay mula nang umupo si Noynoy Aquino bilang Pangulo noong 2010.

Nagmistulang inutil ang administrasyon ni Pangulong Noy sa paghabol sa mga suspek sa pagpaslang ng mga mamamahayag.

Ang masakit pa nito, binale-wala ni Communications Secretary Sonny Coloma ang problema nang sabihin niya, “Hindi naman ganun kaseryoso o kalala yung problema yun.”

Kapag ganoon ang pahayag ng Communications Secretary, tiyak may basbas yan sa Pangulong Noy.

Otherwise, bakit magpapakawala si Coloma ng ganoong insensitive statement?
Wala na bang seryosong gawain ang administrasyon ni P-Noy?

Tama siguro ang pagtingin ng dating Sen. Joker Arroyo sa administrasyong Noynoy.

Sabi ni Arroyo, “student council” ang administrasyon ni Noynoy.

Ibig sabihin, mga amateur o hindi mga professional ang mga nagpapatakbo ng bayan sa ilalim ng administrasyon ni Noynoy.

Tama rin yata ang binansagan sa Ingles sa isang taong pabandying-bandying lang: Noynoying.

Lahat ng ginawang kabutihan ni P-Noy sa aftermath ng Bohol tragedy at pagsalakay sa Zamboanga City ng mga rebeldeng moklô ay nakalimutan ng taumbayan.

Hinangaan ang Pangulo nang natulog siya sa Bohol at Zamboanga City upang ipakita sa taumbayan na siya’y nag-alala sa kalagayan ng mga mamamayang apektado.

Babagsak ang popularity ni P-Noy dahil sa kanyang di magandang paghawak ng trahedya sa Eastern Visayas.
Parang hindi sumasang-ayon ang mga tala o stars sa mga administrasyon ni P-Noy at ng kanyang inang si Cory.

Noong panahon ni Cory:

Pumutok ang Mt. Pinatubo na 500 years nang dormant noong 1991 na nagbago ng landscape ng Central Luzon at buhay mga nakatira dito.
Ang MV Doña Paz, na patungong Maynila na galing Tacloban City, ay lumubog at isinama ang 5,000 pasahero sa ilalim ng dagat.

Lumindol ng malakas sa Luzon na naging sanhi ng pagkaguho ng isang school building sa Cabanatuan City, Nueva Ecija na may maraming estudyante at ng Baguio Terraces Hotel na maraming guests, at ang paglubog ng Dagupan City ng ilang metro.

Nitong panahon ni
P-Noy:

Isang 7.2-magnitude earthquake ang yumugyog sa Bohol at Cebu na naging sanhi ng pagguho ng ilang lumang simbahan at pagtumba ng maraming bahay at ikinamatay ng ilang daang tao.

Sinalanta ng Super-
typhoon “Yolanda,” ang pinakamalakas ng bagyo sa buong mundo, ang ilang bahagi ng Leyte, Samar, Cebu at Capiz na pumatay ng mahigit na 10,000 katao.

Isa pang super-
typhoon, ang “Pablo,” ay sumira ng malaking bahagi ng Davao Oriental at Compostela Valley at pumatay ng daang katao.

Sa lahat ng trahedyang nabanggit, ilang taon ang bibilangin bago makabangon ang mga nasalanta lugar.

Bakit hindi yata nakikisama sa dalawang administrasyong Aquino ang mga tala sa kalangitan?

Baka ang mensahe ng kalangitan ay itigil na ni P-Noy ang kanyang pagiging benggatibo.

Read more...