Ryan Bang ibinigay naipong P200,000 sa paaralang winasak ng lindol

SA halip na engrandeng selebrasyon, pagtulong sa kapwa ang pinili ni Ryan Bang bilang pagdiriwang ng kanyang ika-35th birthday.
Sa vlog na ibinandera niya sa kanyang YouTube channel, ibinahagi ng actor-TV host kung paano niya ginamit ang naipong pera para makatulong sa mga taong malapit sa kanyang puso, kabilang ang isang paaralang sinalanta ng malakas na lindol sa Mindanao.
Ikinuwento ni Ryan na mula nang maging regular host ng “It’s Showtime” noong 2010, nagtabi siya ng tig-P1,000 bawat buwan.
Umabot ito sa P190,000, na dinagdagan pa ng P10,000 mula sa kinita niya sa kanyang community market, kaya umabot sa P200,000 ang kanyang naipon para ibahagi ngayong kaarawan.
Baka Bet Mo: Vice Ganda awang-awa kay Ryan Bang nang mapurnada ang kasal
Hinati niya ang halaga para tulungan ang kanyang personal assistant na may anak na sasailalim sa operasyon, gayundin ang kanyang driver na ang anak ay inaanak mismo ni Ryan.
Ngunit higit na tumimo sa puso ng TV host ang sinapit ng Mahayahay Elementary School sa Davao, na labis na napinsala matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao noong Hunyo.
“Napanood ko sa balita ‘yung lindol sa Mindanao. May bumagsak na bubong sa isang elementary school. Nadurog ang puso ko kasi naawa ako sa mga bata,” sey niya.
Dahil sa kanyang donasyon, naipagawa ang mga nasirang pader at bubong ng paaralan.
Nagpasalamat din ang school head kay Ryan dahil malaking ginhawa para sa mga estudyante at guro ang naitulong niya.
Para kay Ryan, mas mahalaga ang maging instrumento ng kabutihan kaysa tumanggap ng regalo sa kanyang espesyal na araw.
“Thank you kay Lord [kasi] ginagamit niya ako para magpasaya at makatulong sa mga Pilipino,” wika niya.
Hindi rin nakalimutang pasalamatan ng Korean star ang mga Pinoy na patuloy na sumusuporta sa kanya sa loob ng maraming taon.
“Thank you so much sa pagmamahal sa akin, madlang people, at sa pag-suporta kahit hindi malinaw ang pagsasalita ko,” aniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
