SAKSIHAN ngayong Linggo sa Buzz ng Bayan ang masaya, makulit at nakakikilig na kasal ng Kapamilya comedians na sina Melai Cantiveros at Jason Francisco.
Sa panibagong premium exclusive ng interactive talk show ng ABS-CBN, saksihan ang Melai-Jason jokes sa kasal na nagpahagikgik sa mga piling bisita nila kabilang ang mag-inang Dionisia at Rep. Manny Pacquaio.
Tutukan ang ekskusibong wedding coverage at nakakikilig na usapan nina Boy Abunda, Janice de Belen at Carmina Villarroel kasama ang Bayan Buzzers at TV viewers tungkol sa pag-iisang dibdib ng Kapamilya couple na unang minahal ng publiko bilang kwelang housemates ni Kuya noong 2009 sa Pinoy Big Brother: Double Up.
Huwag palampasin ang Buzz ng Bayan ngayong Linggo, 4 p.m., pagkatapos ng Luv U sa ABS-CBN. Anyway, speaking of Melai and Jason, umaasa ang mga taong nasa paligid nila na darating din ang tamang panahon na magkakaayos din sila nina Angelica Panganiban, John Prats at Pooh.
Kung matatandaan, nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan sina Melai, Angelica, John at Pooh dahil sa mga hindi kagandahang pahayag ng mga bida sa gag show na Banana Split tungkol kay Jason.
Hindi nagustuhan ni Melai ang mga pasaring at panlalait ng kanyang mga kasamahan sa Banana Split patungkol sa kanyang asawa. Kinuwesiyon daw kasi ng mga kaibigan ni Melai kung magiging responsableng ama at asawa si Jason bagay na ikinasama ng loob ni Melai.
Dahil dito, hindi nga inimbita nina Melai at Jason ang grupo nina Angelica sa kanilang kasal. Ayon sa mga chika, hanggang ngayon ay “galit” pa rin ang bagong kasal sa mga co-stars nila sa Banana Split.
( Photo credit to Google )