ISANG tawag mula sa Bulacan ang natanggap ng Bantay OCW sa Inquirer Radio 990 AM.
Ayon kay Fernando Buan, nais niyang ilapit ang problema ng kaibigang si Mary Grace Pantaleon na kasalukuyang minamaltrato sa Al Khobar, Saudi Arabia.
Barista ang orihinal na trabahong pinirmahan sa kontrata ni Mary Grace, ngunit naging kasambahay ng kanyang employer.
Aniya, iba-iba na ang nakalagay sa kontrata na hindi naman nila napagkasunduan.
Ang pinakamatindi pa rito ay isang beses lamang pakainin ang kaibigan niya sa isang araw.
Sa mga reklamong natanggap na natin mula sa Saudi Arabia, kadalasang kwento ay isang tasang kape lamang at dalawa o tatlong pirasong tinapay ang pinakakain sa ating mga OFW ng kanilang mga sadistang amo.
Ganoon lang ang pagkain nila sa maghapon.
Ganoon din ang kaso ni Mary Grace.
Natural na manginig sa gutom ang ating kabayan dahil mabigat ang trabaho pero kumakalam ang sikmura.
Bukod sa ginugutom na nga si Mary Grace, manyak pa umano ang among lalaki nito. Madalas daw siyang hipuan sa maseselang bahagi ng kanyang katawan.
At kung sasabihin niyang nais na niyang umuwi, agad nitong panlaban na makaaalis lamang siya kung babayaran niya ang lahat ng kanyang ginastos sa pagkuha nito kay Mary Grace.
Madali nating ipinaalam ang kaso ni Mary Grace sa Philippine Embassy sa Saudi at nag-aabang na lang tayo kung kelan makakauwi ang ating OFW.
Nagtrabaho sa Qatar bilang security guard si Phil Ferolin ng Dumaguete, Negros Oriental. Walang benepisyong nakuha si Phil sa mahabang mga taon na ipinagtrabaho niya sa dayuhang employer.
Ang matindi pa, unlimited contract daw kasi ang kanilang napagkasunduan.
Ibig sabihin, puwede siyang pagtrabahuhin ng kanyang amo kahit kailan nito gusto, at puwede rin siyang alisin kung kelan niya naising tanggaling ito.
Sa tagal ng programang Bantay OCW sa pagbabantay sa ating mga OFW, ngayon lang namin narinig ang tinawatag ni Phil na unlimited contract. Walang kontrata na walang hangganan. Palaging nakasaad doon ang espesikong petsa ng pagsisimula at pagtatapos ng kontrata.
Disin sana’y unlimited benefits din ang puwede palang tanggapin ni Phil. Ngunit wala nga itong natanggap kahit magkanong benepisyo.
Sisikapin ng Bantay OCW na alamin ang puno’t dulo ng problemang ito.
Gayong may katagalan na rin ayon kay Phil, ngunit kaya pa namang ihabol ang pagsasampa ng reklamo ng money claim dahil wala pa namang tatlong taon ang nakalilipas mula nang magbalik si Phil sa Pilipinas.
Nasa ika-siyam na taon na ng Model OFW Family of the Year Awards Overseas Workers’ Welfare Administration.
Ito ay ang taunang pagkilala at pagbibigay parangal sa piling pamilyang OFW.
Naging matagumpay ang pagdaraos nito sa PICC noong Lunes, Dis. 9 sa pangunguna ni OWWA Administrator Carmelita
Dimzon na dinaluhan naman ng guest of honor and speaker na si Secretary Rosalinda Baldoz, na kasabay ding nagdaos ng ika-80 anibersaryo ng DOLE. Masayang- masaya si Sec. Baldoz dahil kuntentong kuntento mismo si Pangulong Aquino sa performance ng DoLE.
Happy anniversary at congratulations, Sec. Baldoz.
Masaya namang ibinalita ni Dimzon ang mga nagwagi sa MOFYA 2013. National Winners sina Esmael Maulana & Family para sa Land-based Category at Filseaman Chief Engr. Alberto Balbalan & Family para sa Seabased Category. Special Awards naman kina Loreto Soriano & Family ng NCR na nakakuha ng Outstanding Achievement in Community Works, Victoria Motril & Family ng Region XII – Entrepreneurship at Best OFW Family Circles naman ang Daine I & II OFW Association ng Indang, Cavite.