Pimples 101: Alamin ang sanhi, iwas breakout, at tamang pangangalaga

NGAYONG Acne Awareness Month, ipinaliwanag ng board-certified dermatologist na si Dr. Sheehan Tolentino-Almadani sa eksklusibong panayam ng BANDERA kung bakit nagkakaroon ng pimples, paano ito maiiwasan, at kung kailan ito itinuturing na acne.
Bakit nagkakaroon ng pimples kahit maalaga sa balat?
Paliwanag ni Dr. Sheehan, hindi lang iisang dahilan ang pagkakaroon ng acne: “Nangyayari ito dahil sa combination ng different factors. Una, bacteria na nagti-trigger nito, abnormal keratinization ng skin na nagdudulot ng follicular plugging, sobrang oil production, at inflammation. Malaki rin ang epekto ng hormones at genetics kaya kahit maalaga sa balat, nagkakaroon pa rin ng pimples.”
Ibig sabihin, kahit regular ang skincare routine, maaari pa ring magkaroon ng breakouts dahil sa mga internal factors gaya ng hormones at family history.
Pimples lang ba o acne na?
Nilinaw din ng dermatologist na ang “pimples” at “acne” ay iisa lamang ang kondisyon, pero nagkakaiba sa tindi o severity.
“Ang mild acne, usually comedones o blackheads at whiteheads. Kapag moderate to severe naman, may papules, pustules, at minsan nodules o cystic acne na mas malalalim at pwedeng mag-iwan ng acne scars,” sey niya.
Tamang paghihilamos para iwas breakout
Pagdating sa facial care, paalala ng doktor na hindi kailangan madalas ang paghihilamos ng mukha.
“Importante ang tamang cleanser base sa skin type at siguraduhing natatanggal ang residue sa mukha, lalo na kung nagme-makeup. Kung may makeup, mas mainam ang double cleansing o paggamit ng micellar water o oil cleanser,” wika niya.
Mga habits na nagpapalala ng pimples
Isa sa pinakamasamang nakagawian, ayon sa dermatologist, ay ang pagpisil o pagkutkot ng pimples.
“Maaari itong magdulot ng mas matinding inflammation at mas mataas na risk ng dark spots o acne scars,” babala niya.
Dagdag pa rito, nakakapagpalala rin ng breakout ang paggamit ng heavy o comedogenic products, pati ang self-medication gamit ang hindi aprubadong skincare sets online na maaaring may steroid o sobrang tapang na ingredients.
Gaano katagal bago gumaling ang pimples?
Ayon kay Dr. Sheehan, ang sikreto ay consistency: “Usually, makikita ang initial results around 6 to 8 weeks. Mas significant improvement naman sa 8 to 12 weeks kapag tuloy-tuloy ang tamang skincare routine.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
