Sinisira na si Gob Vi

HINDI mapigilan ang buhos ng batikos kay Interior Secretary Mar Roxas. Malaking pamilyang politikal ang Romualdez, kahit ba nasa Leyte lang sila. Hindi ito ininsulto nina Cory, Fidel, Joseph at Gloria. Ngayon lang ininsulto at tinakot ang pamilya Romualdez.

Wala namang galit ang maliit na pamilya politikal na Roxas sa Romualdez. Kung bakit nagkaganoon ay Malacanang lamang ang nakababatid.

Abangan ang nakaugaliang hula ng Bandera sa umpisa ng Bagong Taon. Ayon sa hula ni Joseph Greenfield, Bandera resident psychic, mas lalong magniningning ang sikat ng bituin ni Batangas Gov. Vilma Santos.

At dahil sa nakasisilaw na pagningning nito, sisiraan at sisirain siya. At ngayon pa lamang ay inuumpisahan na siya.

Inihiwalay natin ang text message ng guro (hindi natin babanggitin ang kanyang pangalan dahil baka gantihan siya) sa Tabontabon, Leyte. Malaki ang pasasalamat niya sa mga sundalong Kano na direktang nagdala ng pagkain at tubig sa kanyang nilikasan. Ngayon niya nadama ang tulong ng Kano.

Nabuksan na rin ang kanyang isipan sa panlalason ng New People’s Army sa Leyte. Aniya, kahit mahihirap ay kinikikilan sila ng mga komunista. Pero, nang dumating ang tulong ng Kano, mismong ang komunistang kanyang kilala ay nauna pang kumuha ng relief goods.

Sa pangkalahatan ay may punto ang guro. Nasaan nga naman ang mga komunista na laman ng mga demonstrasyon sa mga kalye sa Metro Manila? Nasaan nga naman ang Gabriela, Akbayan, Bayan Muna, atbp? Nasaan nga naman ang mga komunista sa Kamara? Hayun. Naghuhunyanggo bilang paghahanda sa pagbagsak ni P-Noy.

Sa Phase 8A at Phase 9 ng Barangay Bagong Silang, Caloocan, ang pinakamalawak at pinakamalaking barangay sa buong bansa kung saan ang araw-araw na patayan ay bahagi na ng karaniwang buhay, maraming bahay at barung-barong ang pinutulan na ng kuryente.

Hindi sila pinutulan ng kuryente kahapon. Pinutulan sila ng kuryente simula nang manungkulan ang gobyernong Aquino dahil simula noon, anila, naghirap na ang buhay nila, lalo pa’y nang mawalan ng trabaho ang mga padre de pamilya.

Wala nang humpay ang pamamaslang sa mga mamamahayag.
Sa Mindanao, nasa direksyon na uubusin na nga ang mga bumabatikos. Walang makukuhang tulong ang mga mamahayag sa Malacanang dahil galit na ang Palasyo sa batikos. Kung hindi tutulong ang Malacanang, mas lalong hindi tutulong ang pulisya.

Marami ang sinibak na opisyal nang mabuking ang paglabas-pasok ni Antonio Leviste sa Munti, kabilang ang hepe ng Bureau of Corrections na si Totoy Diokno, dating hepe ng Manila police. Kung napatunayan ng korte na walang iregularidad sa paglabas-pasok ni Leviste, dapat ibalik ang mga opisyal na sinibak. Ang gulo ba?

Bumabaha ang smuggled gadgets sa Raon sa Maynila.

MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Mabuti na lang at may CNN, na nagsasabi ng totoo, na hindi talaga nakararating ang relief goods sa liblib na lugar sa Leyte.
Kung makarating man ay kokonti lang. Wala talagang sistema si Aquino at si Mar Roxas puro dakdak. Galit ang masa kay Roxas kaya hindi siya iboboto kahit na tumakbo siyang barangay sa bayan niya. …8830

Sir Lito, dito sa Mahaplag, Leyte hindi pareho ang laman ng supot ng relief goods. May magaan at may mabigat. Malinaw na sa magaan ay binawasan na. Ang kapitbahay ko, may corned beef na maliit na delata. Ako wala. Nagreklamo ako. Ang sagot sa akin, binigyan na nga ako, magrereklamo pa. Napakasakit. …1630

Politika ang umiiral dito sa Tolosa, Leyte. Porke ba’t supporter kami ng pamilya Romualdez ay konti lang at paisa-isa ang dating ng relief goods? …6511

Hanggang ngayon ay may mga bangkay na di pa nakukuha dito sa Barangay San Jose, Tacloban City. Bakit hindi sila kinukuha ng padaan-daan na mga sundalo? …3021

Read more...