Melai humingi ng dasal, tulong sa lindol sa Gensan: ‘Sana Lord makabangon’

NANAWAGAN ng panalangin at agarang tulong ang actress-TV host na si Melai Cantiveros para sa kanyang hometown sa General Santos City.
Ito ay matapos yanigin ng malakas na 7.8-magnitude na lindol ang ilang bahagi ng Mindanao nitong Lunes, June 8.
Sa kanyang Instagram account, ibinandera ni Melai ang ilang larawan na nagpapakita ng epekto ng lindol sa kanilang lugar.
Kasabay nito, nagpahayag siya ng pag-aalala para sa mga residenteng naapektuhan ng malakas na pagyanig.
Baka Bet Mo: Melai Cantiveros: Kung ako presidente kapag may kasalanan, kulong agad!
“In Jesus Name tanggalin nyu na Lord ang mga aftershocks and sana Lord makabangon ang Mindanao labi na ang Gensan Lord sa paglindol na itu,” sey ni Melai sa kanyang post.
Nagpasalamat din siya sa mga nagpaabot ng pag-aalala para sa kanyang pamilya kasunod ng kalamidad.
“Thank you sa lahat ng nangamusta sa pamilya ko, thank you Lord all safe sila and praying for all families na safe din sila,” dagdag pa niya.
Bukod sa panalangin, ginamit din ni Melai ang kanyang social media platform upang humingi ng tulong para sa mga kababayan niya sa General Santos City, partikular sa mga ospital na nangangailangan ng karagdagang mga tent para sa mga pasyente at mga apektadong residente.
“Panawagan nadin po sa lahat ng gustu mag help need po ng more Tents sa mga hospitals namin dun,” aniya, kalakip ang hashtag “Pray gor Mindanao.”
Sa pinakahuling ulat, umabot na sa hindi bababa sa 37 katao ang nasawi dahil sa lindol na nagdulot ng pinsala sa mga gusali at iba pang imprastraktura.
Nagbunsod din ito ng tsunami warnings at advisories sa ilang bahagi ng Asia-Pacific region.
Patuloy naman ang ginagawang damage assessment at relief operations ng mga awtoridad habang pansamantalang nanunuluyan sa evacuation centers ang ilan sa mga residenteng naapektuhan ng sakuna.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
