BARANGAY volunteer ka ba sa inyong lugar? Kung oo, may good news para sa iyo.
Inaprubahan na ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang pagbibigay ng benepisyo sa mga barangay volunteer workers upang mas maging epektibo sa pagpapanatili ng kapayapaan.
Sa ilalim ng inaprubahang House bill 5228 bibigyan ang mga barangay volunteers ng hindi bababa sa P1,500 buwanang allowance na kukunin sa internal revenue allotment na tinatanggap ng mga local government units mula sa national government.
Ang “Barangay Volunteer Workers’ Benefit Act” ay akda ni Misamis Occidental Rep. Loreto Leo Ocampos.
Magtatakda naman ng mga kuwalipikasyon para sa mga volunteer upang mapili ang mga karapat-dapat na makakuha ng benepisyo.
Magkakaroon din ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng volunteer at ng civilian volunteer organization kung saan siya aanib. – Leifbilly Begas