Derma explains: 10 ‘acne myths’ na dapat mong malaman!

SA pagdiriwang ng Acne Awareness Month, ibinahagi ng certified-board dermatologist na si Dr. Sheehan Tolentino-Almadani ang mas malinaw na paliwanag sa mga pinaka karaniwang paniniwala tungkol sa tigyawat.
Sa exclusive interview ng BANDERA, diretsahang sinagot ng eksperto ang 10 acne myths.
1. Kapag pinutok ang pimple sa ilong, magkakasakit o maglagnat ba?
“Hindi naman, pero kailangan pa rin nating mag-ingat,” sagot ng derma.
Ipinunto ng derma na hindi agad magdudulot ng lagnat ang pagpipisa ng pimple sa ilong, pero delikado ito dahil may tinatawag na “danger triangle” ng mukha kung saan maaaring umabot sa seryosong infection ang komplikasyon.
Paliwanag niya, “Meron kasi tayong tinatawag na danger triangle zone of the face, where it covers the nose and yung middle part of our face. So kapag tiniris natin yung mga pimples dito sa area na to, nagdi-drain siya directly kasi doon sa brain natin yung mga blood vessels doon. Kaya mas prone tayo mag-develop ng mga brain abscess or even thrombosis kapag tiniris natin ‘yung pimples sa danger triangle zone.”
2. Lumalaki ba ang pimple kapag laging hinahawakan?
“Totoo, pero partly lang,” sey ni Dr. Sheehan.
Ayon sa kanya, ang paghawak at pagkutkot ay nakakapagpalala ng pamamaga kaya mas lumalaki at namumula ang tigyawat.
“Pwede itong mag-trigger ng inflammation. Kaya nagpe-present ito as more erythematous or mas namamaga ‘yung mga acne. So dapat hindi na lang titirisin,” pakiusap ng doktor.
3. Dumadami ba ang tigyawat bago mag-menstruation?
“So tama naman ito, dahil during the second half of our menstruation or ‘yung tinatawag na luteal phase, ito ‘yung mga araw bago tayo mag-mens or datnan, tumataas ‘yung mga levels ng androgen as well as progesterone which triggers more oiliness or sebaceous gland activity,” sambit ng skin expert.
Patuloy niya, “So kapag mas oily tayo, mas prone tayo mag-develop ng blackheads and whiteheads and mas nagti-trigger yung acne or pimples.”
4. Nawawala ba ang pimple kapag nilagyan ng yelo?
Hindi raw ito totoo, dahil: “Ang yelo, it can help with with the inflammation kasi it causes vasoconstriction. Pero hindi niya talaga nati-treat yung root cause ng acne.”
“So very important na ma-treat pa rin natin ‘yung bacterial infection and ‘yung inflammation. Which ‘yung yelo, parang band-aid cure lang siya or temporary relief lang siya,” paglilinaw ni Dr. Sheehan.
Ibig sabihin, nakakatulong lang ang yelo sa pamamaga pero hindi nito ginagamot ang ugat ng acne.
5. Epektibo ba ang pimple patches sa lahat ng klase ng pimples?
Mali rin daw ang paniniwalang ito, ayon sa derma.
“So ang pimple patches, effective lang siya dun sa mga pimples na meron nang mata or may nana. Kasi tinutulungan niya ito mag-drain,” saad ni doktora.
Paliwanag pa niya, “So kapag cystic lang ‘yung acne o wala pa siyang mata, hindi pa siya masyadong effective or hindi siya nakakatulong. Although it will help protect the skin as a physical barrier from dirt or from trauma.”
6. Nakukuha ba ang tigyawat sa init ng katawan o usog?
“Hindi rin ito totoo. So ang acne ay nangyayari dahil sa combination of different factors including bacterial infection, excess oil, hormones, inflammation. So wala itong connection sa init sa katawan or pagkausog,” giit ni Dr. Shee.
7. Nakakatigyawat ba ang tsokolate, fried food, o mamantikang pagkain?
Ayon sa derma, hindi direktang sanhi ang pagkain, pero may epekto ito sa inflammation ng katawan na maaaring mag-trigger ng acne sa ilang tao.
“Now this is partly true. So hindi automatic na magkakaroon ka ng acne kapag kumain ka ng mga ganitong pagkain. Pero may mga studies kasi na nagpapakita na pag mataas ang glycemic index or matatamis yung mga pagkain or mahilig ka sa dairy, mas prone ka mag-develop ng acne dahil tumataas yung inflammatory markers mo sa body,” aniya.
8. Kapag madalas maghilamos, nawawala ba agad ang pimples?
“Hindi rin ito totoo. So ang sobrang paghihilamos o madalas na pagbasa ng mukha ay pwede magdulot ng pagsira ng skin barrier natin. So pwede din itong mag-trigger ng more acne,” babala ng ating eksperto.
9. Nakakahawa ba ang tigyawat?
“Definitely not. Hindi rin ito totoo,” agad na sagot ng derma.
Paglilinaw niya, “Ang acne ay hindi contagious o nakakahawa dahil yung bacteria na nagko-cause nito ay matatagpuan sa ating skin microbiome or sa skin flora natin. Although kapag nag-share ka pa rin ng mga maduduming towels or pillowcases, pwede ka mag-transmit ng iba naman na bacterial infection or even viruses tulad ng warts.”
10. Kapag natuyo na ang pimple, okay lang bang galawin?
“Hindi rin. Ang pagkutkot naman at pagtanggal ng balat ay pwede magpatagal ng healing process ng ating balat. So definitely, kapag natuyo na yung acne, huwag mo na siyang galawin,” saad ni Dr. Sheehan
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
