Content creator Ser Geybin nanigas ang katawan, tumirik mga mata; isinugod sa ospital
AGAD na dinala sa ospital ang content creator na si Ser Geybin o Gavin Capinpin sa totoong buhay matapos itong makita ng kanyang pamilya na hirap huminga, nakatirik ang mga mata, at naninigas na katawan.
Sa vlog na inilabas nila nitong Martes, June 2, ikinuwento ng kanyang mga kapatid na sina Kelzy at Allen, pinsan na si Kalo, at girlfriend niyang si Elma Asagra ang mga pangyayari.
“Sa mga nagtataka po kung bakit wala si Kuya [Ser Geybin] sa mga nakaraang vlog namin, si Kuya po kasi ngayon ay may pinagdaraanan. Ang best term po ay hindi po ok si Kuya,” saad ni Allen.
Kasunod nito ay ang paglalahad nila na naospital ang kapatid matapos manigas ang katawan nito habang nakatitg lang sa kisame, at hirap huminga.
Baka Bet Mo: Ser Geybin nag-sorry sa ‘Slide’ content: Patawad po, hindi na mauulit
View this post on Instagram
Ikinuwento ng mga kapatid ni Ser Geybin na nagamba sila sa kalagayan ng kanilang panganay at agad humingi ng tulong para buhatin ito at dalhin sa ospital.
Habang nasa byahe ay patuloy pa rin ang pagtutok nila sa binata habang minamasahe st pinapakalma ang pakiramdam niya.
Mapapanood rin na biglang napahagulgol si Ser Geybin na hirap pa ring huminga at gumamit na ng paperbag para makatulong sa kanyang lagay.
Agad naman siyang binigyan ng tulong medikal sa ospital at isinailalim siya sa iba’t-ibang laboratory tests para malaman ang kanyang tunay na kondisyon.
Samantala, hindi naman mapigilan ng kanyang girlfriend na si Elma ang maging emosyonal habang ikinukuwento ang pinagdaraanan ng content creator.
Nagulat raw siya dahil sa unang pagkakataon ay nag-open si Ser Geybin ang nobyo sa nararamdaman niyang bigat ng responsibilidad matapos pumanaw ang ama.
“Nakikita natin siyang masaya araw-araw, nakikita n’yo kaming masaya sa vlog pero lahat naman ng tao may pinagdaraanan,” kuwento ni Elma.
Amin niya, ilang beses na rin daw naisip ni Ser Geybin na makipaghiwalay sa kanya dahil sa dami ng kanyang iniisip at pressure sa responsibilidad.
Tiniyak naman ni Elma na kahit na anong mangyari ay mananatili siyang malakas para sa nobyo.
Hiling naman ni Allen na sana’y isama si Ser Geybin sa mga dasal para sa agaran nitong paggaling.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
