Kiko Barzaga balak sumabak sa showbiz, payag magka-loveteam
MATAPOS mapatalsik bilang miyembro ng House of Representatives, isa sa mga plano ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga ang pagsabak sa showbiz.
Bukod sa pagnenegosyo at aa pagpapatuloy ng kanyang adbokasiya sa animal welfare, lalo na sa mga pusa, baka raw pasukin na rin niya ang pag-aartista.
“Well kung papayagan nila ako, or anyone wants me. I’ll create a card, kasi sa card ko nakalagay congressman pa, e. So lalagyan ko lang ng ex,” ang pahayag ni Barzaga sa panayam ng media.
Hindi naman daw niya talaga pangarap ang mag-showbiz, “Just for fun and just to improve my acting skills.
“Kasi ngayon mas ano pa ako sa media kapag ganito karami ang mga camera, medyo naiilang pa ‘ko, medyo nahihiya pa ‘ko.
“So, it’s just to help improve my abilities,” ani Barzaga. Feeling niya kapag umeksena siya sa showbiz ay mas magiging magaling siya sa pagsasalita lalo na sa harap ng media.
View this post on Instagram
Okay din daw sa kanya ang magkaroon ng ka-loveteam, natatawa niyang hirit, “Siguro, mga lima.”
Tuluyan nang napatalsik sa Mababang Kapulungan ng Kongreso si Barzaga matapos bumoto ang malaking mayorya ng kanyang mga kapwa mambabatas sa isinagawang plenary session sa House of Representatives kahapon, June 2.
Sa botong 265 pabor, 14 tutol, at 8 abstention, inaprubahan ng Kamara ang rekomendasyon ng Committee on Ethics and Privileges na tanggalin si Barzaga sa kanyang puwesto dahil sa paulit-ulit na paglabag sa mga pamantayan ng asal ng isang miyembro ng Kongreso.
Nag-ugat ito sa reklamong inihain ni Deputy Speaker at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin kaugnay sa mga pahayag ni Barzaga sa social media na nag-uugnay umano kina Garin, kanyang anak, at House Senior Deputy Majority Leader Lorenz Defensor sa pagkamatay ng isang vice mayor na nasawi dahil sa aksidenteng pagputok ng baril.
Sa interview ng media kay Barzaga, mariin niyang sinabi na wala siyang pinagsisisihan sa mga ginawa niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
