Japeth at home sa Ginebra

AT home talaga si Japeth Aguilar sa kanyang papel na ginagampanan sa Barangay Ginebra San Miguel. Hindi kasi siya ang main big man ng Gin Kings. So, hindi siya ang inaasahang humakot ng sangkatutak na rebound.

Ang inaasahang gumawa nito ay ang seven-footer na si Gregory Slaughter na pinili ng Gin Kings bilang top overall  pick sa 2013 PBA Rookie Draft.

Kasi nga’y seven-footer si Slaughter at mas matangkad siya kaysa kay Aguilar na may tangkad na 6-8.Pero puwede naman silang pagsababayin sa shaded area at  napakahirap tubagin ang twin-tower combination na ito kapag ginusto nilang dominahin ang laro.

Patapik-tapik lang ng bola ay puwede na.Kung madadagdagan ang kanilang intensity sa pagdaan ng panahon, aba’y sino ang tatalo sa kanila?

Pero gaya nga ng nasabi ko, si Slaughter ang sentro kapag nagsabay sila ni Aguilar. At si Aguilar ang power forward o shooting forward.

Tila ganoon ang gusto ni Aguilar. Mas at home siya sa pagtira buhat sa medium range distance bagamat kaya niyang makipag-sabayan sa loob. Kaya niyang dumakdak nang dumakdak.

Pero pinababayaan siya ni coach Renato Agustin sa kanyang nais. Kung gusto niyang tumira sa labas, okay lang. Wala rin namang makakadepensa sa kanya doon.

At kung ipipilit ng kalabang koponan na bantayan din ng kanilang big man si Aguilar sa labas, e di magaling. Mababawasan ng big man ang kalaban sa shaded area at lalong madodomina ito ni Slaughter.

Noong Linggo ay kitang-kita ang halaga ng isang Aguilar na tumitira sa labas.Siya ang nagpanalo sa Gin Kings matapos na tumanggap ng pasa buhat kay LA Tenorio ay tumira siya ng three-point shot may isang segundo ang nalalabi.

Pumasok ang tira at nagwagi ang Gin Kings. Pero iyon ba ang play na idinisenyo ni Agustin nang tumawag siya ng timeout?
Ito ang tanong ng ilang miron.

Malamang sa hindi. Malamang na ang nais ni Agustin ay isang strong drive dahil sa nasa penalty na ang Talk ‘N Text na abante ng isang puntos.

Hindi kailangan ng Gin Kings ang three-point shot. Two-pointer lang ay sapat na para sila ay manalo. Pero hindi nag-materialize ang play na idinisenyo ni Agustin.

Inipit ng Tropang Texters si Slaughter sa ilalim. Kaya nalibre si Aguilar at hindi na ito nagdalawang isip na tumira sa three-point area.  Buong-buo ang loob niya sa kanyang tira.

Sa pagtatapos ng laro ay si Aguilar ang nahirang na Best Player. Nasabi sa kanya na siya’y nagtala ng 2-of-3 shooting sa three-point range para sa mataas na 67 percent.

Kung sa mga dating teams na pinaglaruan ni Aguilar mula noong high school ay wala siyang lisensiyang tumira sa three-point area, aba’y iba na ang kalakaran ngayon sa Barangay Ginebra.

Kaya naman tuwang-tuwa siya sa kanyang papel.  At tuwang-tuwa rin ang mga fans.

Read more...