Bangkay nagkalat pa rin

NAKATATANGGAP pa rin ang mga awtoridad ng ulat na may mga bangkay na nakakalat pa rin sa Tacloban City, isang buwan matapos manalanta ang bagyong “Yolanda.”

Ito’y kasabay ng pahayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na halos 6,000 na ang kumpirmadong nasawi sa bagyo.

“Mayroon pa rin, ganoon pa rin, may nare-report pa rin so kinukuha namin. Tuloy pa rin ang ating trabaho,” sabi ni Senior Supt. Pablito Cordeta, commander ng Task Force Cadaver.

Ibinigay ni Cordeta ang pahayag matapos kumpirmahin na 2,321 bangkay ng nasawi sa bagyo ang narekober sa Tacloban City pa lamang.

Tugma ang bilang sa tala ng NDRRMC para sa lungsod. Ayon sa ahensiya, pumalo na sa 5,924 katao ang kumpirmadong nasawi dahil kay “Yolanda” sa walong rehiyon, karamihan sa Eastern Visayas.

Ayon kay Cordeta, nasa sa pamahalaang panglungsod na ng Tacloban ang pasya kung huhukay pa ng panibagong mass grave.
Samantala, inihayag ng opisyal na pansamantala lang nagpahinga ang Task Force Cadaver sa pagrekober ng mga bangkay nitong Linggo, eksakto isang buwan matapos ang pananalanta ni “Yolanda.”

“Halos isang buwan na rin kasi silang nagta-trabaho… at saka Linggo kasi eh, pinagpahinga muna ‘yung mga tao,” ani Cordeta.

Read more...