Kobe ‘nagkalat’ sa comeback game

LOS ANGELES — Matapos ang mahaba at maingay na paghihintay ay nagbalik na sa paglalaro si Kobe Bryant kahapon sa home game ng Lakers laban sa kulang sa taong Toronto Raptors.

Bagaman umiskor ng siyam na puntos at kumuha ng walong rebounds si Bryant ay tumira lamang ito ng 2-of-9 field goals at nagkamit ng walong turnovers sa 28 minutong paglalaro.

Nabigo ring i-rally ni Bryant ang Lakers sa fourth period sanhi para tumukod ito, 106-94, kontra Raptors na pinangunahan ni Amir Johnson.

Umiskor ng career-high 32 puntos at 10 rebounds si Johnson at nagdagdag ng 26 puntos si DeMar DeRozan para sa Toronto na naglaro na wala sina Rudy Gay, Aaron Gray at Quincy Acy.

Ang tatlo ay nakatakdang i-trade ng Raptors ngayon sa Sacramento King kapalit nina Greivis Vasquez, Patrick Patterson, John Salmons at Chuck Hayes.

Si Nick Young ay may 19 puntos para sa Lakers.

Si Bryant, ang fourth-leading scorer sa kasay-sayan ng NBA, ay nagtamo ng Achilles tendon injury noong Abril.

Hindi pa rin naglaro kahapon para sa Lakers  ang mga injured stars na sina dating MVP Steve Nash at center Chris Kaman.

Celtics 114, Knicks 73
Sa New York, umiskor ng 23 puntos si Jordan Crawford para pangunahan ang Boston Celtics sa tambakang panalo kontra New York Knicks.

Ang 41 puntos na panalo ng Celtics ay ang pinakamalaki sa season na ito kaya naman hindi napigil ng Knicks na kutyain ang kanilang koponan sa kanilang halos walang-ganang paglalaro.

Sa umpisa pa lang ay iniwan na ng Celtics sa 12-0, 18-1 at 25-3 ang Knicks na tumira lamang ng 25-of-73 (.342) field goals.

Si Carmelo Anthony  ay may 19 puntos para sa Knicks ngunit tumira lamang siya ng 5-of-15 mula sa sahig.
Masama rin ang inilaro nina Andrea Bargnani (1-of-7), JR Smith (1-of-5), Raymond Felton (0-of-6) at Iman Shumpert (0-of-6).

Heat 110, Pistons 95
Sa Auburn Hills, kumulekta ng 24 puntos, siyam na assists at pitong rebounds si LeBron James para pangunahan ang Heat sa pagresbak kontra Pistons na tumalo sa kanila noong isang linggo.

Si Ray Allen ay may 18 puntos din para sa Heat, na naglaro na wala si Dwyane Wade.

Ang Pistons ay pinamunuan ni Andre Drummond na may 19 puntos at 14 rebounds.

Noong Miyerkules ay tinisod ng Pistons ang Heat, 107-97.

Read more...