SINASABING ang tween star na si Barbie Forteza ang next important star ng GMA 7. Marami ang naniniwala na ang bagets ang maaaring sumunod sa yapak ni Marian Rivera bilang top leading lady ng Kapuso network. Bukod daw kasi sa magaling din umarte si Barbie ay malaki rin ang pagkakahawig nila ni Amaya.
Nakachikahan namin si Barbie sa presscon ng bagong afternoon series ng GMA, ang Ikaw Lang Ang Mamahalin na magsisimula na sa darating na Lunes. Siyempre, siya pa rin ang bidang-bida rito kasama ang kanyang ka-loveteam na si Joshua Dionisio at ang dalawa pang pambatong tweens ng Siyete na sina Kristofer Martin at Joyce Ching.
Narito ang kumpletong one-on-one interview namin kay Barbie. Enjoy!
BANDERA: Kumusta na kayo ni Joshua Dionisio?
BARBIE FORTEZA: Okay na okay po kami. As friends, po ha!
B: Wala pang ligawang nangyayari?
BF: Wala pa naman po. Hindi naman po sa choice namin na huwag munang lagyan ng ganu’n ang friendship namin. Kaya lang kasi, parang plastik kasing pakinggan, pero parang wala pa talaga sa isip namin. Kasi sobrang busy din kami, sa studies and sa work. Tsaka so far, maganda naman ang relasyon namin as friend, kaya bakit kailangan naming baguhin ‘yun.
B: Pero hindi naman bawal magligawan?
BF: Hindi naman po. Sobrang cool ng parents ko. Sabi ko nga po, pwede na naman akong magpaligaw, pero siyempre, kailangan dumaan muna sila sa parents ko. Dapat pakakainin niya sila, pakikisamahan niya ‘yung magulang ko, ‘yung family ko. Kasi, siyempre, di ba, gusto ko rin na makilala siyang mabuti ng pamilya ko bago ko siya i-entertain.
Kasi may ibang sitwasyon na ayaw ng parents du’n sa guy, di ba? Ayoko naman ng ganu’n. Gusto ko kung sinuman yung manliligaw sa akin, okay sa kanila.
B: Pero kay Joshua, boto naman sila?
BF: Masaya naman sila Mama kapag kasama si Joshua, kapag kumakain kami sa labas. Pero hindi ko pa po masabi kung mapupunta ‘yun sa ligawan, wala pa kami sa ganu’ng level.
B: Hindi ka pa ba nagsasawa kay Joshua, kasi mula nu’ng magsimula kayo sa showbiz, kayo na ang magka-loveteam?
BF: Wala namang sawa factor. Feeling ko nga, mas nagiging close kami, mas nagiging maganda ‘yung working relationship namin. Kasi sa bawat show na ginagawa namin, mas napi-feel namin ‘yung importance ng isa’t isa. Minsan nga sa sobrang close namin, kapag may eksena kami, like kapag may titigan portion, bigla na lang kaming matatawa.
Parang nawawala na kami sa focus kapag nagtititigan na kami. Ha-hahaha! Pero siyempre, kailangang tiisin namin ‘yung ganu’n dahil baka mapagalitan kami ng direktor namin.
B: Anu-ano ang mga nagustuhan mo kay Joshua?
BF: Nag-improve na po siya, gentleman na po siya ngayon.
B: Bakit dati ba barumbado siya?
BF: Ha-hahahaha! Medyo. Pero hindi naman siya bad boy, kaya lang, hindi pa niya alam ‘yung mga ganu’n, kasi nga bata pa siya nu’n, e. Parang natututunan na niya ngayong umalalay, tsaka mabait naman po siya.
Ang nagustuhan ko pa po kay Joshua, kapag malungkot ako, parang siya ‘yung laging nagpapatawa sa akin, na kahit alam kong antok na antok na siya, at pagod na rin, pinapatawa pa rin niya ako.
B: Ano ‘yung pinaka-sweet na ginawa ni Joshua sa ‘yo?
BF: Kasi mahilig po siyang kumain, di ba? E, ‘yun, madalas hinihintay pa niya talaga ako bago siya kumain, kahit gutom na siya.
B: Dinadalhan ka ba niya ng pagkain?
BF: Hindi po, kasi ‘yung dinadala niyang food sa set, kulang pa sa kanya ‘yun, e. Nakakahiya namang kumuha. Ha-hahaha!
B: Ang dami mo nang nakatrabahong malalaking artista sa GMA, sinu-sino pa ang gusto mong makasama sa mga susunod mong projects?
BF: Gusto ko po si Sharon Cuneta, fan po kasi talaga niya ako. O, kaya si Ms. Judy Ann Santos. Sa GMA, gusto kong makasama si Dennis Trillo (sabay kinilig!) Tsaka si kuya Daniel (Matsunaga) (sabay kilig uli!).
Nagkasama nga po kami sa Naga ni kuya Daniel, hindi ako makapagsalita talaga. Kasi nahihiya ako.
B: Anong nagustuhan mo kay Daniel? Katawan?
BF: Hindi naman, ang cute niya kasi, e. Ang nagustuhan ko pa kay kuya Daniel, kasi nu’ng nakasama ko siya sa Naga, sobrang bait niya, tsaka sobrang ang sweet niya kay Heart, na parang hindi niya kayang manakit ng babae. Alam n’yo, ‘yun? Sobrang sweet, sobrang gentleman.
B: Barbie, medyo personal naman, totoo bang pinagdadamutan ka ng parents mo pagdating sa pera?
BF: Hindi naman po. Pero sila talaga ‘yung humahawak ng finances ko. Kasi, kapag naman po akong gustong bilhin, aanhin ko ‘yung pera? Kapag may gusto na lang po akong bilhin, tapos papayag si Mama, tsaka lang po ako hihingi.
Minsan po may makikita ako na something, akala ko kailangan ko talaga, na importante. Pero kapag nag-usap kami nina Mama, sasabihin nila, ‘Sure ka ba na kailangan mo ‘yan? Investment ba ‘yan?’
Du’n ko po maiisip na, ‘A, oo nga, marami pang mas importante na dapat na bilhin or i-invest kesa sa mga bagay na hindi naman talaga importante.’
B: Buti hindi mo napapabayaan ang pag-aaral mo kahit na tuluy-tuloy ang pag-aartista mo?
BF: ‘Yun po talaga ang gusto ko, ang makatapos ng pag-aaral. ‘Yan po ang promise ko kina Mama, hindi ko pababayaan talaga ang pag-aaral ko, kaya pinayagan niya akong mag-artista.
Home study po ako ngayon. Nasa grade 7 na po ako. Sa ngayon, I’m not sure pa po kung magge-Grade 8 pa kasi meron na yata po ang high school ng fifth year na.
B: Sa college, ano’ng gusto mong course?
BF: Sa ngayon po, gusto ko po sana mag-Culinary course, o kaya Hotel and Restaurant Management. Pangarap ko rin po kasi ang magkaroon ng sariling restaurant someday.