PROBLEMA nga ng walang alam kung hindi niya alam ang kanyang dapat malaman. Sa Bisaya ay may malaman na pangangantiyaw. At dahil pangangantiyaw lang ito ay karaniwang hindi ito minamasama at hindi ikinapipikon. Isa lang ang napikon ditto, si GMA, nang tawagin siya ni Dolphy sa panahon ng kampanya na, dugay na sa Manila, tonto pa gihapon. Kaya naman nang mahulog ang F-150 ni Vandolph sa noon ay hinuhukay na tunnel na mag-uugnay sa Katipunan at C5, nasabi pabiro ni GMA nang dalawin ang konstruksyon na, diyan ba namatay di Vandolp? “Hindi naman po siya namatay,” ang agarang pakli ang kasama. “Iba po ang namatay.”
Iyan nga ang problema ng walang alam at noong Biyernes ay iyan nga rin ang problema ni Justice Secretary Leila de Lima. Pero, hindi siya “tonto pa gihapon.” Maaaring talagang wala lang alam, nang ipinagpapaliwanag niya ang National Bureau of Investigation hinggil sa nabuking, sumablay at bobong operasyon sa Dose (Phase 12), Tala, Caloocan City (pero sakop iyan ng Barangay Bagong Silang, ang pinakamalaki at pinakamaraming nananahang barangay sa buong Pilipinas), na nang humupa ang usok ng ratrat ng M16, M14 at AR ay isang ahente ng NBI ang patay at apat ang sugatan. Sa ratratan ay walang nakaliligtas o nabubuhay sa bala ng 5.56 pataas. Kung meron man ay himala, kung ang pagbabatayan ay ang insidente sa Al Barka, at sinisi pa ng Ikalawang Aquino ang 19 na sundalo na namatay, ang iba sa kanila ay pinugutan pa ng mga Moro.
“That kind of operation should have been well planned and enough preparation should have been undertaken with the end view of minimizing or avoiding any untoward incident, let alone casualties,” ani De Lima. Klap, klap, klap. Tama. Itong si De Lima ay Leila nga dahil siya ay naglingkod kina Gloria Arroyo at BS Aquino. Pero, malinaw na wala siyang alam sa Barangay Bagong Silang, o Tala, o Camarin, o Malaria, sa Caloocan North. Kung meron man siyang nababalitaan sa mga lugar na ito sa Caloocan, ay pumapasok at kagyat na lumalabas sa dalawang tenga. Hindi nga naman malaking balita ang pagkamatay ng dalawang tumutugis pa pulis sa nakamotor na walang helmet nang pumasok ito sa Balwarte ng Phase 8B at ratratin ng sindikato ng droga.
Hindi nga naman malaking balita ang napakaraming baril sa Malaria at isa rito ay pumatay kay Nicole Ella sa bisperas ng Bagong Taon. Hindi nga naman malaking balita ang napakaraming patayan at holdapan sa Camarin na bata’t matandang mga babae ang namamatay.
Kung sa pagsusuri ni De Lima ay hindi planado at walang isinagawang paghahanda ang operasyon ng NBI, wala nga siyang alam sa mga lugar na ito. At, kung gayon, despues, wala ring alam ang magigiting na mga opisyal ng NBI sa mga lugar na ito. Lahat sila, pati sina De Lima, Pangulong Aquino at crime czar Paquito Ochoa, ay walang alam sa mga lugar na ito. Mabuti pa ang North Caloocan police, may alam sa mga lugar na ito. Nang dahil sa alam ng North Caloocan police ang mga lugar na ito, lalo na ang Dose, hindi nila tinitiktikan ang mga ito at kung lusubin man ay nagpapaalam muna, tulad ng pinagsikapang paglusob sa shabu lab sa Dose, at wala silang dinatnan maliban sa 9-anyos na batang babae na nagloloro sa loob ng shabu lab. Ha-ha-ha. Kung takot ang mga pulis sa North Caloocan, simula sa pamumuno nina Reynaldo Malonzo, Enrico Echiverri at Oscar Malapitan (kay habang panahon ito at kung sa lumaking sanggol ay baka high school student na siya ngayon), mas lalong takot, araw at gabi, ang mga tricycle driver sa Phase 5, Bagong Silang at Glorietta, Tala na maghatid ng pasahero sa Dose dahil nangangamba silang di na makalalabas nang buhay.
Kung sinserong susuriin ni De Lima ang operasyon, dahil nasa kanyang pangangasiwa ang NBI, mapupuna na puro “volunteer” NBI agents ang nagtungo sa Dose, at walang ganap na ahente. Ha!?! Teka, kung sadyang ipinadala ang mga volunteer, hindi nga madidisgrasya ang ganap na mga ahente. Ligtas at buhay ang ganap na mga ahente. Pero, kung nagkagayon nga, kailangang managot ang hepe. Kailangang magpaliwanag siya sa mga naulila ng namatay. At kung hindi ipinadala ang mga volunteer, na kaduda-duda kung sila’y may kasanayan nga sa ganyang operasyon, aba’y puro bobo pala ang mga opisyal ng NBI. At ang kabobohan ay malalang sakit na nakahahawa.
Kung hindi ginalaw ang Dose nina Malonzo, Echiverri at Malapitan, malaking palaisipan iyan para sa pangkalahatan. Pero, sa Dose, Tala, Phase 5, Phase 8B at buong Bagong Silang, alam ng nahihintakutang mga residente kung bakit hindi ginagalaw ito. Alam ng mga tricycle driver na hindi dapat guluhin ang tabakuhan. Tulad ng opinyon ng mababang ranggong mga pulis, hindi dapat guluhin iyan at pasukin. Na siya namang nangyari sa mahigit isang dekada na.
Nang bulabugin, pumutok ang makabagong malalakas na kalibre ng mga armas, na mas makabago at malalakas pa kesa sa mga armas ng NBI.
Bakit nagkaganito? Alam ng pagong ang sagot.
Nakahahawang kabobohan
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...