ALL time high na P4.51 per kilowatthour ang babayaran natin sa pinakabagong pagtaas ng generation costs ng kuryente. At sa sitwasyong ganito, ang tanging kakapitan ng taumbayan ay walang iba kundi ang Energy Regulatory Commission (ERC) bilang regulatory body ng gobyerno. Isang ahensya na dapat tumingin sa interes at kapakanan ng mamamayan at hindi ng mga power plant owners, electric cooperatives, Meralco o maging Transco.
At dito, napakalaking transaksyon at pera ang siguradong pinag-uusapan at alinmang kilos ng ERC, ay tiyak na gagapangin ng mga negosyante para pumabor sa kanila ang desisyon nito. Kaya naman, importante ang kredibilidad at kalinisang loob ngayon ng mga nakaupo sa ERC para isulong ang tama at interes ng nakararami.
Pero paano ito ngayon? Si ERC chairman Zenaida Cruz-Ducut ay isa sa mga idinemanda ng NBI at DOJ ng kasong malversation, direct bribery at graft and corruption kaugnay sa P10-B pork barrel scam.
Sa reklamo ni NBI officer in charge Medardo de Lemos sa Ombudsman, tumestigo si whistle-blower Benhur Luy na si Ducut na dati ring Pampanga Representative, ang naging ahente ni resigned Customs chief Ruffy Biazon at tinanggap nito ang P1.95 million cash na commission ni Biazon sa kanyang PDAF project sa isang Napoles-controlled foundation, ang Philippine Social Development Foundation Inc. (PSDFI), at idinaan sa Technology Resource Center (TRC) noong 2007.
Isipin niyo, nag-ahente at mismong tumanggap pa ng “lagay” para kay Biazon itong si ERC chair Ducut mula kina Benhur Luy. Paano ngayon tayo maniniwala kay Ducut lalo’t ang pwesto njya ngayon ay malakihan ang lagayan? Dito po sa ERC, bawat sentimong taas sa kuryente ay bilyun-bilyong piso ang pumapasok sa kaban ng bawat power plant, electric cooperative o Meralco.
Kung siya ay naging ahente ng mga kurakot na kongresista noong 2007, maniniwala ba tayo ngayon na malinis siya at pagtitiwalaan natin sa harap ng milyun-milyong pera ng mga lobbyists sa power sector?
Ganito rin ang naging problema ni Customs Commissioner Biazon kayat minabuti niyang magsumite ng irrevocable resignation kahit na pwede namang kapalan niya ang kanyang mukha. Una, upang patunayang di siya kapit-tuko sa pwesto at ikalawa ay para tulungan si PNoy na hindi madamay sa mga batikos sa pangako nitong tuwid na daan.
Pero, iba itong si Ducut, akusado siya ng “direct bribery” o panunuhol at katiwalian pero walang imik na para bang hindi tinatablan ng hiya. Kung nag-ahente siya at tinanggap ang lagay para sa isang Liberal na tulad ni Biazon noong 2007 tulad ng sinasabi ni Benhur Luy, sino pang mga kongresista at senador noon ang tinulungan ni Ducut para makakumisyon kay Janet Lim Napoles?
Nakakapagtaka rin ang pananahimik ng Malakanyang sa kaso ni Ducut lalot hindi naman siya Noynoy appointee kundi carryover lamang dahil kumare ito ni dating Pangulong Arroyo. Ang inaasahan ko nga ay mabilis na sisibakin ng Palasyo si Ducut dahil kalaban ito at identified pa kay Gloria. Pero, iba ang nangyayari, ayaw upakan ng Palasyo si Ducut kahit pa taliwas sa Tuwid na daan ang ginawa nito.
Kahit pa ipinakita na ni Biazon ang tamang daan na pagreresign. Ipinatawag din kaya ni Pnoy si Ducut matapos lumabas ang habla ng DOJ-NBI? Nakakabingi talaga ang katahimikan ng administrasyon. Nagkalapit ba si Ducut at Pnoy sa Kongreso noon? Parang imposible pero hindi rin naman malayo.
Dating piskal itong si Ducut at alam niyang wala pang “legal compulsion” o pwersahang legal na magbitiw siya sa pwesto lalot recommendatory pa lamang ang ulat ng DOJ-NBI sa Ombudsman. Pero nasaan na ang “delicadeza”? Nasaan na ang integridad at kredibilidad ngayon sa posisyon ng ERC na hinahawakan ngayon ng isang opisyal na may bahid na sa mata ng publiko?
Ipagtanggol kaya niya ang interes ng taumbayan sa P4.15 bawat kwh na panibagong pasanin o makipagkuntsaba sa mga maperang interes?
At tulad ng sinabi ko noon sa kaso ni Biazon, saang kumukuha ng kapal ng mukha itong si ERC chair Zenaida Cruz-Ducut? Bakit pinapayagan ni Pnoy ang pananatili ni Ducut sa pwesto? Natanggal si Biazon pero, tahimik kay Ducut. Ano ba yan?
Para sa tanong, komento o reaksyon, i-text ang PIKON, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374