PATAY ang tatlong lalaking nahaharap sa kasong may kinalaman sa droga at pagnanakaw nang pagbabarilin ng mga di pa kilalang salarin sa General Santos City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Senior Supt. Froilan Quidilla, direktor ng General Santos City Police, ang mga nasawi bilang sina Edwin Laranio alyas “Gorang,” Emmanuel Fajardo alyas “Tata Fajardo,” at Ronel Fuentes, pawang mga residente ng katabing bayan ng Alabel, Sarangani.
Naganap ang pamamaril pasado alas-9 ng sa Brgy. Baluan. Kumakain sina Laranio sa isa sa mga balut stall sa gilid ng kalsada nang pagbabarilin ng apat na lalaking dumating sakay ng dalawang motorsiklo, ani Quidilla.
Agad tumakas ang mga salarin matapos ang insidente. “Nagko-coordinate pa kami sa Sarangani provincial police office kasi mga taga-dun ‘yung mga pinatay, right now nag-iimbestiga pa kami,” ani Quidilla.
Kabilang sa mga sinisilip ngayon bilang pinag-ugatan ng pamamaslang ang mga kasong kinakaharap nina Laranio, Fajardo, at Fuentes, aniya.
Nakatanggap ang pulisya ng impormasyon na sangkot ang tatlo sa mga kasong may kinalaman sa iligal na droga at insidente ng “akyat bahay” sa Alabel, ani Quidilla.