MAGIGING kapana-panabik ang 37th Milo Marathon National Finals bukas ng umaga sa SM Mall of Asia grounds sa Pasay City. Inaasahan ding magtatagisan ang mga beterano at mga papasibol na mananakbo ng bansa at ng ibang bayan.
Magbabalik ang national champions na sina Eduardo Buenavista at Mary Grace Delos Santos para idepensa ang kanilang mga titulo pero tiyak na mapapalaban sila dahil sa pagsali ng iba pang runners na umabot sa qualifying time sa 16 na regional races na ginawa.
Sina Irineo Raquin, Jeson Agravante, Julius Sermona bukod sa mga magkakapatid na Sabal na sina Cresenciano, Gerald at Elmer ang mga mabigat na kalaban ni Buenavista habang ang dating Marathon queens na sina Christabel Martes at Flordeliza Donos bukod kina Mary Joy Tabal at Jennylyn Nobleza ang mga susukat kay Delos Santos.
Hindi pa kasama rito ang mga banyagang Kenyan sa pangunguna ni James Tallam na nais na idepensa sa ikatlong sunod na taon ang titulo sa Open category.
Bukod sa magandang cash prize, ang hihiranging pinakamabilis na local runners sa magkabilang dibisyon ay ipadadala sa Paris Marathon sa susunod na taon.
“Last year we had 486 qualifiers and 38 complementary trips. But this year, we have 663 qualified runners and 44 beat the cut-off time and earned the all-expenses paid trip to Manila.
This is a clear indication that the level of competition is higher this year,” pahayag ni race director Rio dela Cruz. Bukod sa 42-K karera ay magkakaroon din ng tagisan sa 21-K, 10-K, 5-K at 3-K kaya pinaniniwalaan na papalo sa 35,000 runners ang makikiisa para tumibay ang hangarin ng organizers na lampasan ang 230,000 mananakbo na sumali sa lahat ng Milo races sa 2013.
( Photo credit to INS )