Zero hospital bill target ding mapakinabangan ng middle class

Zero hospital bill target ding mapakinabangan ng middle class – Palasyo

Pauline del Rosario - January 26, 2026 - 10:02 AM
Zero hospital bill target ding mapakinabangan ng middle class – Palasyo

DAPAT nakikinabang na rin ang mga pamilyang kabilang sa middle class sa zero balance billing (ZBB) o programang walang babayarang hospital bill ng gobyerno.

Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, marami sa middle class ay may matinding problema sa pinansyal, kaya nararapat lamang na mapasama rin sila sa benepisyo ng ZBB na ipinatutupad sa piling mga pampublikong ospital.

Sa isang pahayag nitong Linggo, Jan. 25, sinabi ni Recto na nakipagpulong siya sa mga opisyal ng Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) upang matiyak na maayos at epektibong maipatutupad ang ZBB program ng administrasyong Marcos, lalo na ngayong may dagdag na pondo ito sa taunang pambansang badyet.

Kasama sa pulong sa Malacañang noong January 20 sina Health Secretary Teodoro Herbosa at PhilHealth president at CEO Edwin Mercado. 

Baka Bet Mo: Flu-like RSV muling sumisipa sa Pinas dahil sa mas malamig na panahon

Tinalakay umano rito ang “system-wide solutions that will ensure the ZBB is genuinely felt by Filipino patients.”

Hinikayat ni Recto ang DOH at PhilHealth na palawakin ang mga benepisyo ng PhilHealth, “especially for the middle class who consistently pay their taxes and contributions, emphasizing the need for contributors to see commensurate benefits.”

Ang ZBB ay isa sa mga programang pinuri ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang taon.

Sa ilalim ng nasbaing programa, wala nang babayarang hospital bill ang lahat ng pasyenteng na-admit sa basic ward ng alinman sa 87 ospital na pinapatakbo ng DOH, anuman ang kanilang antas sa buhay.

Sinasagot ng PhilHealth benefit package ang hospital at professional fees ng pasyente, habang ang natitirang halaga ay kinukuha sa budget ng ospital para sa maintenance at iba pang gastusin.

Gayunman, nilinaw na ang ZBB ay para lamang sa basic o ward accommodation. 

Kapag pinili ng pasyente na lumipat sa private room, papasok ang regular na PhilHealth benefits na may kaukulang copayment o bahagi ng bayarin na kailangang sagutin ng pasyente.

Bagama’t maaaring ipatupad ang no balance billing sa pribadong ospital, hanggang 10% lamang ng bed capacity nito ang maaaring ilaan sa ward accommodation, kaya limitado ang saklaw nito kumpara sa mga DOH-retained hospitals.

Iba ang ZBB ng DOH sa “no balance billing” (NBB) ng PhilHealth na ipinatupad pa noong 2011. 

Ang NBB ay para lamang sa mga indigent, sponsored members, kasambahay, senior citizens, at lifetime members ng PhilHealth.

Batay sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, umaabot sa 46.8% ng halos 114 million population ng bansa noong 2025 ang kabilang sa middle class.

Para maituring na middle class, ang isang pamilyang may limang miyembro ay dapat may buwanang kita na mula P18,200 hanggang P109,200. 

Samantala, ang poverty threshold ay nasa P688 kada araw o P20,040 kada buwan.

Ayon sa DOH, mahigit 1.3 milyong pasyente sa mga ospital ng gobyerno ang hindi na nagbayad ng hospital bill noong 2025 dahil sa ZBB. 

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Mula Hulyo hanggang Disyembre 2025, umabot sa P74.65 bilyon ang kabuuang hospital bills na buong sinagot ng programa.


Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending