Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
5:45 p.m. Meralco vs Global Port
8 p.m. Rain or Shine vs SanMig Coffee
Team Standings: Petron (4-0); Ginebra (3-1); Rain or Shine (3-1); Talk ‘N Text (3-1); Barako Bull (2-2); Meralco (2-2); Alaska (2-3); Global Port (1-3); SanMig (1-3); Air21 (0-5)
IBA-IBA ang nagsisilbing bayani para sa Meralco Bolts sa bawat laro subalit hindi nagrereklamo si coach Ryan Gregorio.
Hangad pa nga niya na ma-involve pa ang iba niyang manlalaro sa pagtugis ng Bolts sa ikatlong sunod na panalo kontra Global Port sa PLDT myDSL PBA Philippine Cup mamayang alas-5:45 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Sa alas-8 ng gabi namain game naman ay puntirya ng Rain or Shine ang ikaapat na panalo kontra SanMig Coffee.
Masama ang naging simula ng Bolts dahil natalo sila sa defending champion Talk ‘N Text (89-80) at Rain or Shine (94-89).
Natapos ang kanilang kamalasan nang durugin nila ang Air21, 112-79. Noong Martes ay ginulat nila ang lahat nang talunin nila ang paboritong Barangay Ginebra San Miguel, 100-87.
Ang higit na nakakagulat ay ang pangyayaring hindi kasama ng Bolts sa mga panalo sina Kerby Raymundo at Cliff Hodge na pawang injured.
At noong Martes ay nagtamo ng matinding sprain si Reynell Hugnatan sa first quarter. Ang tatlong ito ay magpapahinga ng hindi bababa sa dalawang linggo.
Laban sa Express ay nagbida para sa Bolts si John Wilson na gumawa ng 26 puntos kabilang ang anim na three-point shots. Kontra sa Gin Kings, gumawa naman ng 25 puntos si Jared Dillinger.
Ang bagong main man ng Meralco na si Gary David ay nakukuntento na lang sa pagsuporta muna sa mga nagbibida.
“We’re still finding our character. We’re trying to keep our boat afloat while waiting for the other guys to recover. I hope we continue playing good basketball,” ani Gregorio.
Ang Global Port, na mas bata at mabilis na koponan, ay may 1-3 karta at galing sa back-to-back na pagkatalo sa Gin Kings at Elasto Painters.
Ngayo’y hawak ni coach Ritchie Ticzon, ang Batang Pier ay pinamumunuan ng mga beteranong sina Solomon Mercado at Jay Washington at rookies na sina Terrence Romeo at RR Garcia.