Pacman-Mayweather malabo pa sa 2014

HINDI mangyayari ang pinapangarap na pagkikita sa pagitan nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr. sa unang hati ng taong 2014.

Ito ay matapos ihayag ni Bob Arum na alinman kina Juan Manuel Marquez, Timothy Bradley at Ruslan Provodnikov ang makakasukatan ni Pacquiao sa kanyang pagbabalik ng ring na balak gawin sa Abril 12 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada, USA.

“It will be one of those guys,” wika ni Arum sa panayam ni Dan Rafael ng ESPN.com.

“We’re gonna get it done sometime this month I hope, I want  to start promoting it,” dagdag ni Arum.

Sa kanyang plano, dadalhin niya si Pacquiao sa Estados Unidos sa  Enero para sa serye ng press conference sa Los Angeles, Las Vegas at Washington, D.C.

Isasabay na rito ang pangangalap ng tulong para sa mga nabiktima ng super typhoon Yolanda.

Naunang pinag-usapan ang hangaring pagsabungin na sina Pacquiao at Mayweather matapos umiskor ng unanimous decision panalo ang Kongresista ng Sarangani Province kay Brandon Rios.

Kahit si Arum ay nagsabing pipilitin niyang gawin ito pero kailangang makisama rin ang kampo ni Mayweather.

Wala pa ring balak si Mayweather na banggain agad si Pacquiao at sinabing sa darating na mga linggo ay ihahayag niya ang napiling kalaban.

Kasabay nito ay sinabi rin ni Arum na mahigit na 500,000 pay-per-view buys ang nangyari sa Pacquiao-Rios laban.

Ito na ang lalabas na pinakamaliit na PPV sa huling anim na laban ni Pacman at tinabunan nito ang 700,000 buys nang hinarap at natalo kay Bradley.

Ang apat na laban niya ay mahigit isang milyong buys na tinuldukan ng 1.15 million buys sa laban kontra kay Marquez.

Nanalo si Marquez sa pamamagitan ng sixth-round knockout noong Disyembre. Ayos naman ang numerong ito ayon kay Arum dahil ang laban ay ginawa sa Macau at hindi sa Estados Unidos.

Read more...