Petrolyo ngayon, kuryente kasunod

HINDI pa man naka-rerekober ang publiko sa mahigit P14 taas sa presyo ng LPG kada kilo noong isang linggo ay may bago na namang mga pasanin si Juan dela Cruz.

Alas-6 ng umaga kahapon ay sabay-sabay nagpatong ng dagdag-presyo ang limang kumpanya ng langis sa kanilang ibinebentang diesel at gasolina.

Umabot sa P1.35 kada litro ang umento sa diesel at 35 sentimo sa gasoline ang ipinatupad ng Petron, Shell, Phoenix Petroleum, PTT Philippines at Total.

Maliban dito, nagpatong din ng P1.20 kada litrong dagdag-presyo ang Shell at Petron sa kerosene. Hirit ng limang kumpanya, ang panibagong umento ay bunsod ng pagtaas ng presyo ng petrolyo sa international market.

Ngayon buwan  ay asahan din ang taas-singil sa kuryente ng Manila Electric Company (Meralco).Ayon kay Meralco External Communications chief Joe Zaldarriaga, papalo ang umento mula P2 hanggang P2.50 kada kilowatt hour (kWh).

Ito, ani Zaldarriaga, ang pinakamalaking dagdag-singil na kanilang ipapataw ngayong taon. Ipinaliwanag ng opisyal na kung kumukunsumo ang isang pamilya ng 200 kWh, asahan na ang P500 pagtaas sa buwanang bill.

Aniya, kailangan nilang humingi ng karagdagang singil dahil nagkaroon ng maintenance shutdown ang Malampaya natural gas facility kaya sa ibang planta sila kumukuha ng kuryente.

Ang mga plantang ito, aniya ay umaasa sa diesel.

( Photo credit to INS )

Read more...