Tawa kami nang tawa sa trailer ng “Kimmy Dora (Ang Kyemeng Prequel)” dahil may bagong ipinakitang nakakatawa si Eugene Domingo bilang sina Dora at Kimmy, at in fairness, hindi OA ang jokes nila, huh!
Ikinukuwento nga namin ito sa mga kakilala namin kaya aabangan din daw nila ang trailer. Bigla tuloy naming naalala ang sinabi ni Uge na walang trailer sa TV ang pelikula nila dahil mahal ang bayad at hindi na kakayanin kaya sa social media na lang daw sila magpapalabas at libre pa.
Kaya sinabihan namin ang mga kaibigan namin na huwag na silang umasa na mapapanood nila ang trailer sa TV dahil baka wala nga silang makita, sabi naman sa amin, “E, paano ‘yung mga hindi naman nagko-computer?”
Kaya tinanong namin ang may-ari ng Spring Films na producer ng “Kimmy Dora 3” na si Erickson Raymundo kung bakit wala silang spot sa TV, “Mahal, pinakamababang gastos mo is P10 million, e, sayang. Sa social media na lang libre pa.
“Kasi nasubukan na namin before sa unang ‘Kimmy Dora’, nag-rely lang kami sa social media and it was a hit, so effective ‘yung ginawa namin na doon maglabas ng trailer. Kasi isipin mo, first ‘yun at kumita, so effective talaga.
“Tapos ‘yung pangalawa, ganu’n din and it works also, so itong pangatlo ganu’n din. Saka hindi na naman magugulat ang tao especially ‘yung mga nasa province kung ano ‘yung ‘Kimmy Dora’ kasi aware na sila kasi pangatlo na ito, unless una palang.
“Kapag narinig nilang ‘Kimmy Dora’, alam na nilang maganda at nakakatawa so, panonoorin nila kasi may recall na, especially ‘yung mga nakapanood sa dalawang nauna,” sabi ni Erickson.
Singit din ng supervising producer ng pelikula na si Cynthia Roque, “Sobrang mahal kasi Reggee, tapos hindi naman lahat maibibigay ‘yung gusto naming slot, isipin mo, 30 seconder, P240,000 na, kaya sa social media na lang talaga kasi worldwide naman ‘yun.”
Hindi naman daw nag-aambisyon ang Spring Films kasama ang MJM Productions na mag-number one sila sa box-office dahil alam nilang malalaking pelikula ang kalaban nila tulad ng “My Little Bossings” at “Boy Girl Bakla Tomboy” ni Vice Ganda.
“Kanila na ang number one, wala kaming ganu’n, maski anong number pa, what we are concerned is kumita at ma-entertain ang manonood,” katwiran ni Erickson.
Oo nga, tipirin na lang ng Spring Films at MJM Productions at ng Quantum Films ang pambayad nila sa telebisyon, bumawi na lang sila sa float dahil mahal din ang float, ha! Malay n’yo, masungkit nila ang Best Float di ba?
Mapapanood na ang “Kimmy Dora (Ang Kyemeng Prequel)” sa Dis. 25 kung saan makakasama rin sina Angel Aquino, Ariel Ureta, Sam Milby at Joel Torre with Moi Bien mula sa direksyon ni Chris Martinez.
Bumilib kami kay Binibining Joyce Bernal dahil maski hindi na siya ang direktor ng “Kimmy Dora (Ang Kyemeng Prequel)” ay dumating siya sa presscon bilang suporta sa mga kaibigan.
At habang sinasabi ni Eugene Domingo na ang huling installment ng “Kimmy Dora” ang pinakamaganda ay tiningnan namin ang reaksyon ni direk Joyce, pero wala lang ito sa kanya at mukhang hindi naman siya apektado.
Ang nasabing petite na direktor kasi ang nagdirek ng dalawang naunang Kimmy Dora kaya’t para sa amin ay malaking isyu ang sinabi ni Uge na itong huli ang pinakamaganda, “Ay naku, ewan natin,” nakatawang sabi ni Joyce.
Inasar namin siya at sinabi naming mas magaling si direk Chris Martinez sa kanya kasi ito raw ang pinakamaganda, “Sabihin nating mas magaling siya, pero wala siya rito, so puwede natin siyang siraan, matanda na siya, hindi siya umabot (presscon), ‘yung youngness niya ay hindi umabot, ako kahit puyat-puyatan, dumating ako,” tumatawang sagot ng pilyang direktora.
( Photo credit to Ervin Santiago )