BIGYANG daan po natin ang liham na ito mula sa OFW na nasa Saudi Arabia.
“Isa po akong OFW dito sa Riyadh, KSA. Sultan Al Fouzan ang company ko at Concept Placement Resources Inc. ang agency ko sa Manila.
Tulungan niyo po ako Ma’am. Tinerminate po ako ng amo ko, 2 buwan na po akong walang trabaho, humingi na po ako ng tulong sa agency pero mabagal po ang proseso nila.” – Rico Punzalan
Narito po ang ating naging tugon: Rico kailangan kang magtungo sa ating Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Riyadh, KSA at makipag-ugnayan kay Labor Attache Adam Musa upang alamin ang dahilan ng inyong termination. Dito naman sa Pilipinas, nakikipag-ugnayan ang Bantay OCW sa tanggapan ni POEA Administrator Hans Leo Cacdac upang papanagutin ang in-yong ahensiya na magpadala ng inyong plane ticket pauwi ng Pilipinas at sisingilin din natin sa kanila ang hindi mo natanggap na suweldo pati na rin ang unexpired portion ng inyong contract para sa iyong money claim. Handa naman si Atty. Elvin Villanueva, ang ating kaagapay sa mga problemang legal upang matulungan ka.
REGULAR na reader ng Inquirer si Christina Rosales ng Brgy. Cogon, Gubat, Sorsogon City. Isang run-away sa Jeddah, K.S.A. ang mister niyang si Jesus Fresia Rosales, ayon kanyang text message na ipinadala sa Bantay OCW.
Tinawagan namin si Christina on-the-air sa Radyo Inquirer. Sinabi niyang umalis si mister noong Enero 21, 2013 patungong Yanbu. Siyam na buwan itong hindi pinasahod ng kanyang employer at di pa pinakakain ng sapat.
Dahil dito, tumakas si Jesus, kasama ang kaibigan at nagtungo sa Jeddah upang humanap ng panibagong trabaho. Humingi naman ng tulong si Christina sa OWWA-Bicol at maging dito sa Maynila.
Nang makausap naman niya ang asawa sa Jeddah, pinayuhan ‘anya siya ng kausap sa Konsulado na tumakas upang makasuhan ang amo nito. At nang makatakas, tanong naman sa kanya, bakit siya tumakas? Bukod dito, sinabihan na imbes na amo ang makasuhan ay baka siya na OFW ang kasuhan.
Hayun, naguluhan ang ating kababayan.
Ipinaalam ni Christina ang nangyari sa lokal na ahensiyang nagpaalis sa kaniyang mister. Ito ang International Resources Development Services Agency. Naka-text at nakausap mismo ni Christina ang staff nitong si Edwin Escudero,
Ngunit sa halip na pakinggan ang kaniyang reklamo, pinagmumura ‘anya siya ni Escudero.
Binastos pa ito at sinabing “L” lang daw ang nararamdaman kayat gustong mapauwi ang mister. At marami pa siyang bastos na sinabi.
Nabatid natin na personal driver pala itong ng isa sa mga may-ari ng ahensiya na na si Juno Reduca. Si Escudero din ang nag-refer kay Jesus sa kanilang agency.
Sabihin pang siya ang nagrekomenda kay Jesus, wala itong karapatang bastusin ang maybahay ng ating OFW.
Nangako naman ang kanilang recruitment officer na si Bing Gomba, na aaksyunan ang pambabastos ng walang-modong driver.
Pasalamat na lamang ni Christina at maayos naman ang kalagayan ng asawa sa Jeddah dahil may kumukupkop sa kaniya doon at binigyan pa ito ng pansamantalang trabaho.
Ngunit nang magdeklara na ang pamahalaan ng Saudi na kailangang umalis na ang mga ilegal sa kanilang bansa, namroblema naman ng husto itong si Jesus.
Hawak nang dating employer ang kaniyang pasaporte at ngayon, pinag-file na lamang siya ng Lost Passport para mabigyan ng panibagong pasaporte.
Ipinagbigay alam naman ng Bantay OCW ang kasong ito kay Labor Attache Alejandro Padaen ng Philippine Consulate sa Jeddah at handang sumaklolo ang konsulado sa ating kabayan.
Pananagutan naman ng ahensiya ang anumang nangyari sa ating kabayan mula ng tumakas ito sa kaniyang employer pati na ang suweldong hindi ibinigay ng kaniyang amo. Kinakailangang magpadala sila ng plane ticket ng ating kabayan sa lalong madaling panahon. At higit sa lahat, disiplinahin at sibakin ang bastos na staff (driver pala) ng agency.