TINANGGAP ni dating Sen. Ping Lacson ang puwestong rehabilitation czar sa Eastern Visayas.
Bilang rehabilitation czar, pangangasiwaan ni Lacson ang reconstruction ng mga lugar na sinalanta ng super typhoon “Yolanda.”
Sabi ni Lacson, dating chief ng Philippine National Police (PNP), nag-isip isip muna siya bago tanggapin ang puwestong inalok sa kanya ni Pangulong Noy.
Humingi siya ng tatlong araw upang pag-isipan niya ang alok bago siya nagpasya na tanggapin ito.
Sinabi ni Lacson na kaya siya nag-alinlangan na tanggapin ang puwesto na rehabilitation czar ay dahil di niya ito area of expertise.
In fairness to Ping Lacson, kahit na anong trabahong ipagawa sa kanya, kaya niya.
Matalino, masipag at mapagkakatiwalaan sa pera si Ping.
Yan ang mga katangian na kailangan bilang rehab czar dahil malaki ang hahawakan niyang pera.
Si Ping ay isa sa mga senador na hindi tumanggap ng pork barrel noong nasa Senado pa siya.
Ang pork barrel ang naging source of corruption ng iba niyang kasamahan.
Bakit hindi ibinigay ni P-Noy ang law enforcement czar na nasa area of expertise ni Ping Lacson?
Dahil nagbanta si Justice Secretary Leila de Lima na bibitiw siya sa tungkulin kapag hinirang siya na law enforcement czar, sabi ng isa sa aking mga bubwit sa Malakanyang.
Sabi raw ni De Lima sa Pangulo, bakit naman kailangan pa ng law enforcement czar samantalang maganda naman ang ginagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng Philippine National Police (PNP).
Ang NBI ay isang ahensiya na nasa pamamahala ng Department of Justice (DOJ).
The President had to bow to opposition from De Lima na isa sa mga maaasahang miyembro ng kanyang Gabinete.
Kailangan lang rendahan si Ping Lacson ni Pangulong Noy kapag siya’y naging rehabilitation czar.
May mga ugali si Ping na hindi maganda.
Siya’y ingrato o walang utang na loob. Hindi siya team player at ang gusto niya ay siya ang nasusu-nod.
Naging saksi ang publiko sa masamang kaugalian ni Ping noong siya’y PNP chief sa panahon ni Pangulong Erap.
Kung ano ang ginawa niya kay Erap ay maaaring gawin din niya kay P-Noy.
Pero baka nagbago na si Ping dahil siya’y nagkaka-edad na.
May kasabihan sa English na a person mellows with age.
At maaaring natuto si Ping sa naging mapait na karanasan niya bilang fugitive from justice.
Wala nang dahilan upang di magbitiw si Ruffy Biazon bilang customs commissioner dahil sa pagkakasangkot ng kanyang pangalan sa pork barrel scam.
Nasangkot si Biazon sa pagnanakaw sa pera ng mahihirap sa pamamagitan ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong siya’y kongresista ng Muntinlupa.
Di puwedeng manatili si Biazon bilang customs commissioner dahil nabahiran na ang kanyang pangalan.
Kung totoong siya’y nagnakaw noon—hindi ko sinasabing totoo ang paratang sa kanya—maaaring gawin niya ito sa Bureau of Customs gayong siya’y malapit na sa tukso.
Dapat ay matagal nang nagbitiw si Biazon.
Noong binanatan ni Pangulong Noy ang Bureau of Customs sa State of the Nation Address (Sona) dahil sa diumano’y pagiging corrupt ng mga tauhan nito, dapat ay nagbigay ng irrevocable resignation si Biazon.
Kung may delikadesa itong si Biazon ay noon pa siya nagbitiw hindi yung parang kapit-tuko siya.