Big Chill nakalasap ng unang talo kontra NLEX

Mga Laro Ngayon
(Blue Eagle Gym)
10 a.m. NU-BDO vs Café France
12 p.m. Boracay Rum vs Cebuana Lhuillier
2 p.m. Hog’s Breath vs Zambales M-Builders

NABUHAY ang opensa ng NLEX sa huling yugto para talunin ang Big Chill, 97-88, sa 2013-14 PBA D-League
Aspirants’ Cup kahapon sa Trinity University of Asia Gym sa Quezon City.

Si Garvo Lanete ay mayroong 24 puntos para sa Road Warriors at limang puntos ang ibinigay niya matapos makadikit ang Superchargers sa lima at maisulong ang karta ng kanyang koponan sa 4-1.

Nagpakitang-gilas ang bagong salpak sa Road Warriors na si Pamboy Raymundo sa 14 puntos at anim na assists at ang tropa ni NLEX head coach Boyet Fernandez ay nanalo kahit napatalsik sa labanan si Ola Adeogun.

“Dapat i-review ang tape dahil hindi ako naniniwala na kayang manakit ni Ola,” wika ni Fernandez sa 6-foot-8 center na sinasabing binigyan ng headbutt si Dexter Maiquez sa ikatlong yugto.

Maagang lumayo ang nagdedepensang kampeon at sa halftime ay mayroon silang 46-28 bentahe.

Pero nakabangon ang Big Chill nang nag-init ang koponan sa pagbuslo sa tres bago nagising uli ang opensa ng NLEX para ipalasap ang unang pagkatalo matapos ang anim na sunod na panalo ng bataan ni Superchargers coach Robert Sison.

“Kailangan talagang pagtrabahuan ang bawat panalo dahil lahat ng teams ay malakas,” dagdag ni Fernandez.

Samantala, bumangon agad ang Cagayan Valley sa di inaasahang pagkatalo sa Wangs Basketball matapos magtala ng 75-68 panalo sa Blackwater Sports sa ikalawang laro.

May 7-of-12 field goal shooting si Mark Bringas tungo sa 21 puntos at 10 rebounds habang si Adrian Celada at Jason Melano ay naghatid ng 12 at 11 puntos para sa Rising Suns na umangat sa 6-2 baraha.

Read more...