Pacers angat sa 16-1 record matapos biguin ang Clippers

LOS ANGELES — Ikinalat ni David West ang 14 sa kanyang 24 puntos sa third quarter at humugot ng 12 rebounds para pangunahan ang nangungunang Indiana Pacers sa 105-100 panalo kontra Los Angeles Clippers kahapon sa NBA.

Nagdagdag naman ng 27 puntos si Paul George at 19 puntos si Roy Hibbert para sa Pacers na umangat sa 16-1 kartada.
Ang Clippers ay pinangunahan nina Jamal Crawford na may  20 puntos at Chris Paul na may  17 puntos at 10 assists.

Hindi nakapaglaro para sa Clippers ang outside shooter na si J.J. Redick na nagtamo ng injury sa kanyang kanang kamay. Hindi siya makapaglalaro ng anim hanggang walong linggo.

Heat 99, Bobcats 98
Sa Miami, umiskor ng  13 diretsong puntos si Chris Bosh sa fourth quarter para matakasan ng Miami ang Charlotte at itulak sa 10 ang winning streak ng Heat.

Kabilang sa pasiklab ni Bosh sa late-game rally na ito ang pagtira niya ng  tatlong tres sa loob lamang ng 79 segundo na nagbigay sa Miami ng 93-91 kalamangan may 1:20 pa ang natitira sa laro.

Tinapos ni Bosh ang laro na may 22 puntos at siyam na rebounds. Nagdagdag naman ng 26 puntos si LeBron James at 17 puntos si Dwyane Wade para sa Heat.

Si Kemba Walker ay may game-high 27 puntos at si Al Jefferson ay may 16 puntos at 13 rebounds para sa Bobcats.

Thunder 113, Timberwolves 103
Sa Oklahoma City, nagtala ng triple-double si  Kevin Durant na 32 puntos, 10 rebounds at 12 assists at muling nag-rally ang Thunder sa final period para manalo.

Ito ang ikapitong sunod na panalo ng Oklahoma City na may home record na 9-0. Ito rin ang ikalimang beses sa season na ito na nanalo ang Thunder kahit pa lamang ang kalaban sa pagpasok sa fourth quarter.

Ang Minnesota ay pinangunahan ng dating Thunder na si Kevin Martin na may 24 puntos. Si  Nikola Pekovic ay nag-ambag ng 22 puntos at 10 rebounds.

Pelicans 103, Knicks 99
Sa New York, nagtamo ng left hand injury sa first quarter ang top player ng Pelicans na si Anthony Davis pero nanalo pa rin ang New Orleans sa tulong ni Ryan Anderson.

Si Anderson ay tumira ng pitong 3-pointers tungo sa 31 puntos. Si Tyreke Evans ay nagdagdag ng 24 puntos, kabilang ang 10 sa fourth quarter.

Ito ang ikasiyam na diretsong pagkatalo ng  Knicks at ikapito sa kanilang  home court. Si Davis ay may pitong puntos at apat na rebounds nang lisanin ang laro sa first period.

( Photo credit to INS )

Read more...