Seigle babandera para sa Texters

Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
5:45 p.m. Talk ‘N Text vs Global Port
8 p.m. Meralco vs
Barangay Ginebra
Team Standings: Barangay Ginebra (3-0); Petron Blaze (3-0); Rain or Shine (3-1); Barako Bull (2-1); Talk ‘N Text (2-1); Globalport (1-2); Meralco (1-2); Alaska Milk (1-3); SanMig Coffee (1-3); Air21 (0-4)

PATUTUNAYAN ng beteranong si Danny Seigle na kaya pa niyang makipagsabayan sa mga batang manlalaro sa pagpupugay niya sa Talk ‘N Text ngayong hapon kontra Global Port sa PLDT myDSL PBA Philippine Cup sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Sa ikalawang laro sa ganap na alas-8 ng gabi ay puntirya ng Barangay Ginebra San Miguel ang solo liderato laban sa Meralco.
Si Seigle ay hindi pinapirma ng kontrata ng Barako Bull bago nagsimula ang 39th season ng PBA.

Nag-tryout siya sa iba’t ibang teams at na-impress niya si Talk ‘N Text coach Norman Black na nagbigay sa kanyang ng one-year contract.

Ang Tropang Texters ang ikatlong koponan ni Seigle buhat nang pumasok siya sa liga noong 1998. Ang Talk ‘N Text, na ngayo’y kasalo ng Barako Bull sa ikaapat na puwesto sa kartang 2-1, ay galing sa 114-111 overtime na panalo laban sa Alaska Milk noong Huwebes.

Si Seigle ay maka-katuwang ng mga dating Most Valuable Player awardees na sina Kelly Williams at Jimmy Alapag bukod pa kina Jason Castro, Larry Fonacier at Ali Peek.

Ang Global Port ay galing sa 109-104 pagkatalo sa Barangay Ginebra at may kartang 1-2. Gaya ng Talk ‘N Text, kinuha rin ng Global Port ang isang 1998 veteran na si Eric Menk na nagbabalik matapos na mawala sa PBA noong nakaraang season.
Main performers ng Batang Pier sina Solomon Mercado at Jay Washington.

Ang Global Port ay may limang rookie sa katauhan nina Terrence Romeo, RR Garcia, Nico Salva, Justin Chua and LA Revilla.
Ang Barangay Ginebra ay nasa itaas ng standings kasama ng Petron Blaze sa record na 3-0.

Bago nagwagi kontra Global Port ay tinalo ng Gin Kings ang SanMig Coffee (86-69) at Rain or Shine (97-84). Ang Gin Kings ang may pinakamatangkad na frontline na kinabibilangan nina Japeth Aguilar, Jay-R Reyes at seven-footer Gregory Slaughter.

Patuloy na suma-sandig si Barangay Ginebra coach Renato Agustin kina Mark Caguioa, LA Tenorio at Jayjay Helterbrand.
Matapos na matalo sa unang dalawang laro ay pumasok na rin sa win colum ang Meralco nang pulbusin nito ang Air21, 112-79, noong Miyerkules.

Nagbida para sa Bolts sa larong iyon si John Wilson na nagtala ng 26 puntos. Makakasama ni Wilson sina Gary David, Sunday Salvacion, Reynell Hugnatan at Cliff Hodge.

Bukas ay sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City idaraos ang mga laro kung saan magtatagpo ang Petron Blaze at Barako Bull sa ganap na alas-5:45 ng hapon at magduduwelo ang Air21 at Alaska Milk dakong alas-8 ng gabi.

( Photo credit to INS )

Read more...