Biazon kapalmuks ‘pag di pa nag-resign

KUNG meron pang natitira kahihiyan itong si Customs chief at dating Muntinlupa Rep.  Rufino Biazon, wala siyang ibang dapat gawin kundi magbitiw sa pwesto.
Huwag na niyang hintayin na magpiyansa para sa kanya si PNoy o si DILG Sec. Mar Roxas sakaling lumabas ang mga warrant of arrest mula sa Sandigambayan (bagamat nasa Ombudsman pa lang ang reklamo).

Hindi niya pwedeng gamiting mga dahilan dito ang mga palagiang linyang “continued trust and confidence ni PNoy” o “serving at the pleasure of the President” dahil mismong “corruption” po ang kasong isinampa laban sa kanya. At ang matindi pa rito, konektado pa sa bogus NGO ni pork barrel queen Janet Lim- Napoles, ang binagsakan ng kanyang P1.95M na PDAF project.

Hindi rin ako magtataka na may paper trail din ang NBI at sina star witness Benhur Luy kung paano tinanggap ni Biazon ang kanyang “komisyon” na P1.75 M mula kay Napoles. Ngunit dahil mababa sa P50-M above na plunder limit ang naturang transaksyon, kasong malversation at graft lamang ang isinampa , na ang  ibig sabihin “bailable” o pwedeng magpyansa ang akusado.

Kaya lamang, nabahiran na ng pagdududa rito ang  kredibilidad ni Mr. Clean Biazon. Kung sa Kongreso pa lamang ay akusado ka na sa lagayan sa bogus NGOs, paano pa sa Customs kung saan napakaraming smugglers at mga kalokohan at  bumabaha ang lagayan?

Batid ko, na maraming naglalabang intriga  sa posisyon ngayon ni Biazon sa Customs. Siya ay political appointee ng Liberal party at ang main backer niya ay si Roxas. Pero, ayaw na ayaw naman sa kanya ni Finance secretary Cesar Purisima na siya namang kanyang “immediate supervisor”.
Bilang compromise, nag-appoint si Purisima ng kanyang mga tao sa paligid ni Biazon para bantayan ito at hindi na magkaroon ng gulo doon.  Hanggang sa sumabog naman ngayon itong isyu ng PDAF na siyang kinasasangkutan ng hep eng Customs.

Kung ako si Customs Chief Biazon, ang pinakamagandang gagawin ko ay magsumite na kay PNoy ng aking “irrevocable resignation” kung saan matapos nito, ay ibubuhos ko ang aking panahon upang linisin ang aking pangalan.
Ito’y makatarungan kong gagawin at buong tapang na haharapin  ang mga nag-aakusa sa akin upang hindi na maabala pa ang Liberal party, si Roxas at mismong si PNoy.  Iyan ay kung ako si Ruffy Biazon.

Pero kung hindi naman siya mag-reresign at maghihintay pang ipagtanggol ni PNoy at Mar Roxas, aba’y ibang klase na ito, bayan. Naaalala ko tuloy yung paborito kong Pepeton’s restaurant diyan sa kanto ng Scout Borromeo at Mother Ignacia  ave. South Triangle Quezon city, na walking distance lang sa bahay ni PNoy sa Times st. Ito po ang naiisip ko ngayong regalo kay Customs Chief Biazon kung hindi siya mag-reresign sa pwesto —  isang napakasarap na ulam na ang tawag po rito ay  ibat-iba, “deep fried pig ‘s head” ,”crispy pork face”, at “slow cooked fried pork’s head.
Siguro, ipapadeliver ko pa sa opisina niya kung magkapera ako, ngayong Lunes ng tanghali para makain niya.

Alam niyo ba kung ang tawag  dito ng mga taga-Quezon city? KAPALMUKS!

Saan kaya kumukuha ng kapal ng mukha itong si Customs chief Ruffy Biazon kung hindi siya magre-resign?

Para sa inyong mga komento, reaksyon at tanong, i-text ang PIKON, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.

Read more...