Pacquiao ayaw na sa tax

GENERAL SANTOS CITY — Ayaw nang magsalita ni boxing champ at Sarangani Rep. Manny Pacquiao hinggil sa P2.2 bilyon tax evasion case na kanyang kinakaharap.

“I will no longer issue any statement,” ani Pacquiao kahapon. Idinagdag niya na pababayaan na lamang niya ang kanyang abogado na sumagot sa mga tanong hinggil sa kaso isinampa sa kanya ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

“Starting today, my legal counsel, Attorney Tranquilino Salvador III, will be the one to answer any questions from the media,” aniya.

Ayon kay Pacquiao, imbes na magsalita hinggil sa kaso ay mas minabuti niyang magpokus sa pagtulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

Idinagdag niya na umalis Biyernes ng gabi ng General Santos City ang mga trak na may lulan na relief goods. Ngayong araw naman ang inaasahang dating niya sa Leyte.

Maliban sa P2.2 bilyon na tax case, nahaharap din si Pacquiao sa kasong kriminal dahil sa hindi umano niya pagbabayad ng tamang buwis na isinampa ng Central Mindanao office ng BIR sa Koronadal City Prosecutor’s Office.

Matatandaang natalo ang BIR regional office sa kaso, kung saan inakusahan si Pacquiao nang hindi pagpa-file ng kanyang tax documents noong 2010 kahit paulit-ulit nila itong sinulatan, subalit inapela nila ito.

Partikular na kinasuhan si Pacquiao ng paglabag sa Section 266 of the National Internal Revenue Code, na pinarurusahan ang sinuman na mambabalewala sa mga abiso “to appear, to testify, or to appear and produce books of accounts, records, memoranda or other papers, or to furnish information as required under the pertinent provisions of this Code.”

Sa ilalim ng probisyon, ang mapatutunayang nagkasala ay pagmumultahin at makukulong ng hanggang dalawang taon.

( Photo credit to INS )

Read more...