SINAMPAHAN ng patung-patong na kaso kahapon ng Department of Justice sa Office of the Ombudsman ang pitong dating kongresista, si Janet Lim Napoles at iba pang mga opisyal kaugnay sa pork barrel scam.
Kasong malversation, direct bribery at paglabag sa anti-graft and corrupt practices act ang isinampa laban sa kaalyado ni pangulong Aquino na si Customs Commissioner Ruffy Biazon.
Bukod kay Biazon, kinasuhan din ang mga dating kongresista na sina Davao del Sur Rep. Douglas Cagas at anak nitong si Marc Douglas Cagas IV, dating Ilocos Sur Rep. Salacnib Baterina, dating Davao del Norte Rep. Arrel Olano at dating Oriental Mindoro Rep. Rodolfo Valencia.
Hindi na isinampa ng DOJ ang kaso sa apat pang dating kongresista na patay na. Kinasuhan din sina dating Pampanga Rep. Zenaida Ducut na ngayon at chair ng Energy Regulatory Commission, Celia Cuasay, representative ni Valencia, Alan Javellana, dating pangulo ng National Agribusiness Corp., Antonio Ortiz, dating director general ng Technology Resource Center at Dennis Cunanan, dating deputy director general ng TRC.
Ang kaso ay nag-ugat sa umano’y pagbibigay ng pork barrel fund ng mga dating kongresista sa mga bogus na NGO kapalit ng kickback
Si Napoles ay nakakulong ngayon sa Fort Sto. Domingo dahil sa kasong illegal detention. Hindi umano plunder ang isinampa ng DOJ dahil hindi umabot sa P50 milyon ang pondong ginamit sa umano’y iligal na transaksyon.
Nauna nang nagsampa ng kasong plunder ang DOJ sa Ombudsman.
No comment
Ayaw namang magkomento ng Palasyo sa pagkakasali ni Biazon sa ikalawang batch ng mga sinampahan ng kaso hinggil sa pork barrel.
Ayaw ding sabihin ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte kung pagbabakasyunin si Biazon dahil sa kasong kinakaharap.
“I would not have any comment on that (at) the moment. My instructions are to defer until such time that I have been able to discuss this with the President,” sabi niya.
Tikom din ang bibig ni Valte kung nananatili ang tiwala ni Aquino kay Biazon sa kabila ng panibagong kontrobersiya na kinakaharap.
“I don’t really have any reaction to that yet. I would have to defer comment until such time that I have been able to speak with the President,” giit ni Valte.