NATATANGI si Navotas Mayor John Rey Tiangco sa iba pang mayor sa Metro Manila, marahil maging sa buong bansa. Bukod-tangi nga siya. Buo ang loob ni Tiangco sa paglaban sa ilegal na droga at di na siya naniniwala sa malambot na “Jail the pusher, save the user” na kampanya noon pa mang martial law.
Bakit nga naman ililigtas ang pusher. Para magbagumbuhay? Marahil ay mabibilang lamang sa mga daliri ng kamay ang tunay na nagbagong pusher (iba yung pusher na nagbago dahil nagkasakit na siya sa baga, bato, atay, puso, atbp., dahil sa kanyang pagiging sugapa. Ang kirot at panghihina na dala ng mga sakit na ito ang kusang “makapagbabago” sa pusher na tukuyan na nga huminto sa bisyo). Dahil kailan man, kapag user ay user na at babalik-balikan ang “masarap” na bisyo. At kapag user na ay malaya ring makapagtutulak, nang sa gayon ay nakararating na nga sa langit dahil sa bisyo ay kumikita pa.
Base sa executive order, bibigyang pabuya ni Tiangco ang bawat pulis na makahuhuli ng tulak at user. Kapag tulak ang nahuli, P2,000 bawat isa ang pabuya. Kapag user ang nahuli, P300 lang (huwag ismolin ang P300 dahil barya-barya man, kapag naipon ay malaking pera na rin).
Dahil sa pabuya ay sisipagin ang mga pulis na manghuli. Sa 10 pusher na mahuhuli linggu-linggo ay may P20,000 ang pulis Madaling kuwentahin.
Pero, sa daigdig ng sugapa’t sindikato, puwede pang doblehin ito, P40,000, para panapal sa tiwaling mga pulis, para huwag na nitong hulihin ang mga runner at courier.
Sariwa pa sa alaala ang pagkakaabsuwelto sa alabang boys, dahil ginawang napakamasalimout ang batas sa ebidensya ng matatalino nating mga mambabatas (para nga naman kapag anak, kamag-anak at kaibigan nila ang nahuli ay malinaw at malaki ang pag-asa na makalulusot ang mga ito at ang pobreng pulis na gumanap lamang sa kanyang tungkukulin ang masisisi at pagtatawanan pa ng mapapawalang-salang mga akusado).
Iisipin din ng pulis (nag-iisip naman siya) na isasampa sa korte ang kaso. Paano kung nanalo ang tulak sa kaso? Isosoli ba ang pabuyang pera?
Pero, kailangang purihin si Tiangco. Hindi niya kasalanan ang naging masalimuot na batas sa ebidensiya ng droga. Naniniwala si Tiangco na kailangan na ngang kumilos agad para labanan ang di mapatay-patay na droga’t sindikato.
Kung bakit kasi, maraming mga magulang ang kunsintidor.