Mark Villar nanawagan ng Unified Flood Control Master Plan

NANAWAGAN si Senador Mark Villar sa pamahalaan nitong Martes, August 19, na magpatibay ng isang Unified Flood Control Master Plan.
Binigyang-diin din niya na ang fragmented na mga proyekto at substandard na konstruksyon ay nauuwi lamang sa pag-aaksaya ng pondo ng bayan at patuloy na inilalagay sa panganib ang milyon-milyong mamamayan tuwing may kalamidad.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, binanggit ni Villar ang matinding pinsalang idinulot ng mga nagdaang bagyo at habagat, kung saan halos tatlong milyong pamilya ang naapektuhan, 37 ang nasawi, at halos 100,000 magsasaka at mangingisda ang nawalan ng kabuhayan.
Tinatayang umabot sa P3.16 billion ang pinsala sa agrikultura at P16.51 billion naman sa imprastraktura.
Baka Bet Mo: Camille Villar nanawagan ng imbestigasyon sa pagtaas ng kaso ng Leptospirosis
“Ang Pilipinas po ay napaka-prone sa baha, nung nakaraang buwan nagkaroon tayo ng bagyo at halos tatlong milyong pamilya ang apektado,” sey ni Villar, sabay diin na maaaring nabawasan ang pinsala kung may epektibong plano.
Ipinunto ng senador na trilyong piso na ang nailaan para sa mga flood control project na isinasagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Metro Manila Development Authority (MMDA), at mga lokal na pamahalaan.
Gayunman, marami pa rin aniya sa mga proyektong ito ang fragmented at walang malinaw na pagpapatuloy.
Batay sa kanyang karanasan bilang dating Kalihim ng DPWH, sinabi ni Villar na ang pira-pirasong pagsasaayos ay kadalasang nagpapalala pa ng pagbaha sa ibang lugar.
Iginiit niya ang agarang pagpapatupad ng mga umiiral nang master plan, kabilang ang mga suportado ng banyagang pondo, upang matiyak ang isang koordinadong pamamaraan.
Nanawagan din si Villar ng pananagutan, at dapat umanong papanagutin ang mga kontraktor at opisyal na sangkot sa mga palpak o depektibong proyekto.
“Hindi dapat nauuwi sa wala ang pondo ng taumbayan sa mga proyektong mahina ang pagkakagawa at walang kaugnayan sa mas malawak na plano,” aniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
