Esnyr Ranollo nangakong hindi tatalikuran pagiging content creator

HANGGANG ngayon ay hindi pa rin nakakapagpahinga nang todo ang isa sa Big 4 ng “Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition” na si Esnyr Ranollo dahil sa kaliwa’t kanang commitments.
Katatapos lang nitong Linggo ang “The Big ColLove” show ng PBB housemates na ginanap sa Araneta Coliseum at ang launching ng “Pamilya de Guzman” sa Acer 2025 event nu’ng Sabado sa SM MOA Arena.
“Nakakatuwa na naipakita ko po ‘yung iba naming talents na talagang inaral namin para sa prod numbers. Sobrang saya ko kasi twice na akong mag-show sa Big Dome itong ColLove at yung kasama ang BINI.
“Who would thought na magkaka-concert ang isang tulad ko sa Big Dome pa, parang fantasy at na-experience ko kung paano mag-concert,” masayang kuwento ng content creator na pangarap ding umarte sa harap ng camera.
“Gusto ko na pong gawing craft kaya tine-take serious ko na ang acting pero sa comedy ako kasi hindi naman ako sa pang-drama-drama.
“Pero hindi ko po bibitawan ang pagiging content creator ko kasi ‘yun po ang core ko talaga at saka hindi ko iiwanan ang subscribers ko na unang nagtiwala at naniwala sa akin,” say ni Esnyr.
Samantala, since nabuo ang Pamilya de Guzman na bukod kay Esnyr sa pangununa nina Klarisse de Guzman, Ralph de Leon, Charlie Fleming, Mika Salamanca, Brent Manalo, Shuvee Etrata, at Will Ashley ay sana bigyan sila ng sitcom ng ABS-CBN dahil nababagay daw ito sa kanilang lahat.
Puwede naman iyon at collab ang Kapamilya channel at Kapuso network para buo silang PDG at sana maganda ang material na gawing peg ang mga sitcom na nagtagal tulad ng “Abangan ang Susunod na Kabanata”, “Chicks to Chicks” at marami pang iba.
* * *
Inaprubahan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang siyam na pelikula para sa pampublikong pagpapalabas ngayong linggo.
Kabilang sa mga tampok ay ang award-winning na pelikulang “Food Delivery: Fresh from the West Philippine Sea,” isang dokumentaryo tungkol sa buhay at pakikipagsapalaran ng mga mangingisdang Pilipino sa WPS.
Ang pelikula ay rated PG (Patnubay at Gabay ng Magulang), angkop sa mga manonood edad 12 at pababa basta’t may kasamang magulang o nakatatandang tagapagbantay.
Rated PG din ang Filipino docu-drama na “Sa Likod ng Tsapa,” na naglalahad ng kuwento ni Police Colonel Hansel Marantan at ng mga hamon at tagumpay ng mga kawani ng pambansang pulisiya.
Isa pang lokal na pelikula ay ang “Wild Boys” na pinagbibidahan ng magkapatid na sina Aljur at Vin Abrenica. Ito ay rated R-13, limitado lamang sa mga manonood na may edad 13 at pataas.
Sa direksyon ni Carlos Morales, tampok sa pelikula ang kwento ng isang entertainment bar na nahaharap sa mga banta na maaaring magdulot ng pagsasara nito.
Bukod sa mga lokal na palabas, anim pa na banyagang pelikula ang mapapanood sa mga sinehan, kabilang ang “Harry Potter Movie Marathon” (PG) tungkol sa kwento ng kilala nating karakter na si Harry Potter at ang eskwelahan ng Hogwarts, at “6 Days” (PG), isang documentary concert para sa ika-10 anibersaryo ng South Korean pop-rock band na Day6.
Ang American action-crime comedy na “The Naked Gun” na pinagbibidahan ni Liam Neeson at ang katatakutan na “Evil Within Walls – Dasim” ay parehong nakatanggap ng R-13 rating dahil sa temang maaaring hindi angkop para sa mga batang wala pang 13 taong gulang.
Ang maaksyong “Nobody 2,” tungkol sa dating assassin, ay rated R-16. Ibig sabihin limitado lang ito sa mga manonood na may edad 16 pataas.
Samantala, ang supernatural horror na “Together” ay may dalawang klasipikasyon, R-16 at R-18 (para sa mga may edad 18 pataas), para magbigay ng mas angkop na pagpipilian para sa iba’t ibang manonood.
Muling pinagtibay ni MTRCB Chairperson Lala Sotto ang pangako ng Board na tiyakin na lahat ng pelikula ay dumadaan sa masusing pagrerebyu ng Ahensya upang magbigay ng angkop na klasipikasyon na magpoprotekta sa mga manonood, lalo na sa mga kabataan, habang iginagalang ang kalayaan sa paglikha.
“Mananatili ang aming dedikasyon na magbigay ng angkop na klasipikasyon na magsisilbing gabay sa pamilyang Pilipino sa pagpili ng kanilang pinapanood, habang sinusuportahan din ang paglago at pagyabong ng lokal at pandaigdigang industriya ng pelikula,” sabi ni chair Lala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
