Love scene nina Zaijian Jaranilla, Jane Oineza pasabog ng ‘Si Sol at si Luna’

SIGURADONG magmamarka at hinding-hindi makakalimutan ng mga manonood ang pinakakontrobersyal na episode ng hit na digital serye na “Si Sol at si Luna.”
Ito ang kontrobersyal na love scene nina Zaijian Jaranilla at Jane Oineza, na ipalalabas na sa episode 10 ng “Si Sol at si Luna” sa Puregold Channel.
Habang papalapit na nga ang paggpapalabas nito, mas lumalalim naman ang emosyon at mas nagiging kumplikado pa ang kuwento nina Sol (Zaijian) at Luna (Jane).
Sa pinakaaabangang episode na pinamagatang “Missing Person: Luna,” tila lumalayo naman si Luna matapos halikan si Sol sa elevator ng opisina.
Ikinatuwa ng mga manonood ang sandali ng kilig na mistulang simula ng paglalim ng relasyon ng dalawa, pero tila lumalayo nga si Luna.
Matapos siyang komprontahin ni Ara (Karina Bautista), at sabihang layuan si Sol na hindi hamak na mas bata sa kaniya, lalong nalito si Luna dahil nagtapat din sa kaniya ang team leader na si Ben (Joao Constancia): “Gusto kita, Luna.’
Sa dulo ng episode, inamin din ni Ara na nahuhulog na siya para kay Sol.
Damang-dama ng mga tauhan ang pagnanais, pagdududa, at pagdadalamhati, kaya naiwan ang tanong sa mga manonood–kakayanin ba nina Sol at Luna ang panghuhusga ng mundo, gayong malinaw na may nararamdaman din sila para sa isa’t isa?
Kapana-panabik lalo ang susunod na episode ng serye, dahil ipapakita na ng “Si Sol at si Luna” ang kauna-unahang onscreen love scene ni Zaijian Jaranilla.
Mas kilala ng nakararami sa kanyang mga ginampanan bilang batang aktor, minamarkahan ng kaniyang karakter sa “Si Sol at si Luna” ang pagbabago sa kaniyang karera, tungo sa mas emosyonal at mature na mga materyal.
Nauna nang ipasilip sa mga trailer, inaasahang mapangahas at maselan ang love scene, na magtatampok sa dalawang tauhang hinaharap ang pamantayan ng lipunan tungkol sa edad, pagdadalamhati, at pagrerelasyon.
Bibigyang-diin ng eksena ang kontrobersiya sa naratibo, dahil lalo nitong itatanghal ang agwat sa edad nina Sol at Luna.
Hindi lamang kontrobersyal ang love scene, pati na rin ang mga inilalatag nitong katanungan: Kaya bang umibig ng dalawang taong magkaiba ang emosyonal na pinanggagalingan? Sisimulan ba ng sandaling ito ang paghilom, o palalalimin lamang ang mga sugat?
Habang patuloy lamang na pinahihigit ng serye ang kakayahan ng lokal na digital storytelling, mukhang lalong pag-uusapan ang paparating na episode ng “Si Sol at si Luna.”
Panoorin ang ika-10 episode na “The Eclipse,” bukas, Sabado, August 2, 7 p.m. sa Puregold Channel.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
