Dionisia sa nang-aapi kay Pacman: Tikman n’yo ang sumpa ng karma!

DIONISIA PACQUIAO 1129 INQUIRER

Moment na naman ngayon ni Mommy Dionisia Pacquiao. Palagi na naman siyang naiinterbyu ngayon dahil sa kinasasangkutang problema ng Pambansang Kamao sa BIR.

Galit na galit si Mommy Dionisia sa kanyang mga interbyu, bakit daw ginaganito ng gobyerno ang kanyang anak, samantalang hindi naman ‘yun perang ninakaw ni Pacman sa kaban ng yaman ng bayan.

Ang dami-dami raw politiko diyan na yumaman nang biglaan, bakit hindi ang mga ‘yun ang atupagin ng pamahalaan, bakit daw ang kanyang anak na nakikipagbasagan ng mukha ang pinag-iinitan ng gobyernong ito?

Karma ang sinasabi ni Mommy Dionisia na naghihintay sa mga taong nagpapahirap sa kanyang anak, matakot daw sa karma ang mga namumulitika kay Pacman, dahil siguradong matitikman nila ‘yun.

Ang ikinagagalit ni Pacmom ay bakit daw pinigilan ng bangko ang mag-asawang Manny at Jinkee na maglabas ng kanilang pera sa bangko? Tuloy raw ay nangungutang na lang ang mag-asawa ngayon, walang hawak na pera, pati raw ang pangtulong sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda ay ipinangutang na lang ngayon ng mag-asawa.

Kung maririnig lang sana ni Mommy Dionisia ang punto naman ng ahensiya tungkol sa problema ng kanyang anak. Isang dokumento lang naman ang hinihintay ng BIR, ang papeles na magpapatunay na totoong kinunan na ng buwis ng Amerika ang mga pinanalunang laban ni Pacman mula nu’ng 2008, kapag nakapagbigay na ng kopya ng dokumento ng IRS (Internal Revenue Services) si Pacman ay tapos na ang problema.

Ayon sa tagapamuno ng BIR na si Commissioner Kim Henares ay huwag daw naman sanang gamiting pang-imbita ng simpatya ni Pacman ang kanyang problema sa BIR.

Ang hamon ng ahensiya, ipakita ang kailangang-kailangang dokumento, tapos na ang kuwento.

Read more...