GENERAL SANTOS CITY—Inilabas ni boxing champ at Sarangani Rep. Manny Pacquiao ang kopya ng income tax payment sa Internal Revenue Service ng US noong 2008 at 2009 upang pabulaanan ang sinabi ni Bureau of Internal Revenue commissioner Kim Henares na tanging kopya ng sulat ng boss ng Top Rank na si Bob Arum.
“Ito ang magpapatunay na nagbayad ako ng taxes sa US. Kopya ito galing sa IRS,” hirit ni Pacquiao habang
itinuturo ang kopya ng 2008 at 2009 tax returns mula sa IRS.
Ito ang naging reaksyon ni Pacquiao sa deklarasyon ni Henares na tanging sulat mula kay Arum na nagsasabi na nakapagbayad na ng buwis ang boksingero sa US ang natanggap ng BIR.
“She’s not telling the truth. We submitted a copy of IRS from the US which they refused to honor because they want an originalcopy,” paliwanag ni Pacquiao.
Itinanggi rin niya ang sinabi ni Henares na dalawang accounts lang na-freeze ng BIR.
“That is not true. BIR commissioner Kim Henares was just referring to my wife’s accounts. All of my accounts were frozen,” dagdag ni Pacquiao.
Sinabi niya na hindi siya makapag-withdraw sa anim pa niyang accounts sa HSBC, China Bank, BDO, Security Bank, Union Bank at Metro Bank.
Ani Pacquiao, nasaktan siya sa ginawang pag-freeze at garnishment order na insyu ng BIR.
“Hindi naman ako tatakbo. At pinaghirapan ko ang pera na yan. Hindi ko ninakaw. Pagkatapos ng karangalan na ibinigay ko sa bansa, ganito lang ang mangyayari?” aniya.
‘Aquino walang kinalaman dito’
Naniniwala naman siya na maayos din ang problema.
“Problema ito sa pagitan ko at ng BIR. Walang kinalaman dito ang Pangulo (President Aquino). Kaya lang masakit at naperwisyo ako nang todo. May mga tauhan akong pinapasweldo, may mga scholars na pinapag-aral at nangangailangan ng tulong ang mga kababayan nating sinalanta ng bagyo,” aniya.
Humirit din siya sa BIR na ibasura na ang utos. “Nakikipag-usap naman kami sa kanila,” dagdag ni Pacman.