Goma hindi hihingi ng payo kina Joey at John tungkol sa lovelife


TIYAK na mag-eenjoy ang mga fans ng dating sitcom ng ABS-CBN na Palibhasa Lalaki dahil magkakaroon ng reunion ang tatlong bida ng programa – sina Richard Gomez, Joey Marquez at John Estrada.

Ito’y magaganap ngayong hapon sa Tapatan Ni Tunying, isisiwalat ng tatlong tinaguriang “playboy” ng kanilang henerasyon ang kanilang sikreto sa pagiging habulin ng mga kababaihan.

Pero dedepensa rin sila sa mga nagsasabing sila’y mga babaero. Simula nang pumatok ang sitcom na Palibhasa Lalake noong late 80s, kabilang na ang tatlo sa pinakapaborito at pinakatinitiliang aktor sa Philippine showbiz.

Bentahe nila ang pagiging swabe pagdating sa mga babae. Sa kabila nito, itinanggi pa rin nila na sila ay mga babaero.
“Yung babaero, maraming babae sa iisang pagkakataon.

Hindi kami babaero. Kami ay ‘babaista’ kasi mahilig sa babae pero isa-isa lang. ‘Pag pinagsasabay-sabay, hindi tayo ganyan. Si Joey Marquez lang ang ganyan,” biro ni John.

Para naman kay Joey, hindi sapat ang itsura at magandang career para makuha ang loob ng isang babae. “Una dapat puno ka ng sense of humor. Pangalawa, dapat mature ka.

Pangatlo, dapat may sense of security ka para sa kanila. Bakit kailangan mo pang alamin yung sampu kung yung unang tatlo ay alam mo na,” payo ni Joey.

Sa paglipas ng panahon, nagkaroon na ng kanya-kanyang pamilya sina John, Joey at Richard. Ikinasal si John sa beauty queen na si Priscilla Meirelles noong 2011, ngunit una na siyang ikinasal kay Janice de Belen.

Sa annulment naman nauwi ang pagpapakasal ni Joey kay Alma Moreno. Bagamat parehong dumaan sa bigong relasyon sina John at Joey, iginiit naman nilang masaya pa rin ang kanilang pamilya dahil na rin sa kanilang mga anak.

Si Richard naman ay 15 taon nang kasal kay Rep. Lucy Torres-Gomez. “Kuntento ako sa buhay-may asawa ko, masaya na ako. Hindi na ako hihingi ng payo kay Joey saka kay John, kasi baka madagdagan ang asawa ko, okay na ako kay Lucy,” hirit ni Richard.

Ibabahagi rin ng tatlong aktor ang sikreto ng matatag nilang pagkakaibigan na lampas dalawang dekada na. Babalikan din ng magkakaibigan ang kanilang samahan sa Palibhasa Lalake, at magkukuwento ng tungkol sa kanilang mga pamilya, at mga plano sa kani-kanilang karera sa showbiz at politika.

Kaya tutok na sa Tapatan Ni Tunying (TNT) ngayong hapon, 4:45 p.m. sa ABS-CBN Kapamilya Gold.

( Photo credit to Ervin Santiago )

Read more...