Mayor nagpakasal sa buwaya para sa masaganang ani, maraming isda

NAGPAKASAL sa babaeng buwaya ang isang mayor sa bayan ng San Pedro Huamelula sa Mexico na nasaksihan ng kanyang mga constituent.
Maraming social media users ang nag-react sa naturang seremonya at inakalang nagpapapansin lamang si Mayor Daniel Gutierrez para mag-viral.
Bukod dito, may mga nagkomento rin na baka nababaliw na ang alkalde dahil sino naman daw matinong tao at nasa tamang pag-iisip ang magpapakasal sa isang buwaya?
Pero base sa ulat ng ABS-CBN, ang pagpapakasal ni Mayor Daniel sa naturang buwaya ay isang matagal nang tradisyon sa San Pedro Huamelula, Mexico.
Isa raw itong matandang ritwal na sumisimbolo sa pagkakaisa at pagkakasundo ng dalawang katutubong grupong Huave at Chontal.
Base sa ulat, si Gutierrez ang kumatawan bilang hari ng Chontal, habang ang buwayang “bride” ay sumasagisag sa prinsesa na nagmula naman sa tribong Huave.
Sinusuutan ng wedding gown ang buwaya at ipaparada papunta sa munisipyo at doon magaganap ang kasalan.
Ang nasabing uri ng kasalan ay isinasagawa ng mga residente sa nasabing bayan sa Mexico para humiling ng masaganang ani at magandang huli ng isda.
Isa raw itong mahalagang bahagi ng kanilang kultura na nag-uugnay sa mga tao at sa kalikasan.
“Ito ay isang makasaysayang sandali. Ito ay bawat taon.
“Ito ay isang pagdiriwang na nagsasama-sama ng dalawang bayan, dalawang kultura, dalawang pamayanan na nagsasama-sama upang hangarin ang pag-unlad para sa dalawa,” ang sabi ni Gutierrez hinggil sa pagpapakasal niya sa buwaya.
Pangunahing kabuhayan sa San Pedro Huamelula ang pangingisda kaya naniniwala sila na ang pagpapakasal ng alkalde sa isang buwaya ay pagpapakita ng kakaibang koneksyon ng tao kay Mother Earth.
Libu-libong turista mula sa iba’t ibang bahagi ng Mexico ang dumadalo sa kasalan para makisaya sa mga kababayan nila sa San Pedro Huamelula.
Kanya-kanyang tradisyon lang talaga yan, kaya respetuhin na lang natin kung ano ang kanilang pinaniniwalaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.