‘Sunshine’ ni Maris wagi ng 2 major awards sa Austin Asian American Film Fest

DALAWANG bonggang parangal ang iuuwi ni Maris Racal mula sa naganap na 2025 Austin Asian American Film Festival (AAAFF) sa Texas!
Ito ay dahil sa pinagbidahan niyang pelikula na “Sunshine” na idinirek ni Antoinette Jadaone.
Kinilala ang pelikula bilang winner ng “Narrative Feature Jury Award” at “Narrative Feature Audience Award.”
“The winning film impressed the jury with the clarity of its storytelling, its potent sense of place, and an extraordinary lead performance by a striking new talent,” sey sa ibinanderang citation ng jury sa isang Instagram post.
Baka Bet Mo: Maris tumanggap ng award sa Far East Film Fest, biglang nag-‘Italian’ sa entablado
Patuloy pa, “The energetic heart of the film keeps us gripped throughout, drawing us into the world of our lead’s complex dilemma while persuasively reminding us that life is so often about the possibilities we extract from seemingly impossible situations.”
Ang pelikula ni Maris ay umiikot sa istorya ng isang babaeng gymnast na may pinaghahandaang Olympic competition.
Pero sa kasamaang palad ay bigla siyang nabuntis bago ang nakatakdang tryouts para sa national team.
Dahil diyan, gagawa siya ng mga paraan upang malaglag ang bata sa kanyang sinapupunan.
Tampok din sa pelikula sina Elijah Canlas bilang boyfriend ni Sunshine, Annika Co bilang misteryosang bata, pati na rin sina Jennica Garcia, Meryll Soriano, at Xyriel Manabat.
Bukod diyan, may espesyal na cameo si Piolo Pascual bilang si Padre Jaime.
Samantala, bago pa man ang Texas awards, unang nasilayan ang “Sunshine” sa 2024 Toronto International Film Festival.
Sunod-sunod na rin ang film fest stops nito, kabilang na ang Far East Film Festival sa Italy, Palm Springs International Film Festival, at Taipei Film Festival.
Nitong taon lang din nang kilalanin ang “Sunshine” sa 75th Berlin International Film Festival bilang Crystal Bear for Best Film (Generation 14plus).
Nominee din ito sa Best Youth Film category sa 17th Asia Pacific Screen Awards.
Inanunsyo rin noong Mayo na nakuha ng Canadian company na Indiecan Entertainment ang North American distribution rights para sa “Sunshine”, at may plano itong ipalabas sa mga sinehan at digital platforms sa late 2025.
At sa mga fans ng international reach, may English-language remake din in the works under producer Avi Federgreen.
Kaabang-abang din ang screening nito sa New York Asian Film Festival ngayong Hulyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.