Legitimate children, anak sa labas dapat pantay lang

MERON kayang umalma sakaling umusad ang panukala ng dalawang babaeng kongresista na naglalayong amyendahan ang Family code na magbibigay ng parehas na karapatan sa mga legitimate at mga illegitimate children o sila na sinasabing mga “anak sa labas”.

Medyo sensitibo ang usaping ito. Meron tiyak na magtataas ng kilay kapag nabigyang pansin ito ng Kongreso.
Ayon kina Gabriela Representatives Luz Ilagan at Emmi de Jesus dapat hindi magkaroon ng diskriminasyon laban sa mga anak sa labas.

Sa kasalukuyang Family Code sinabi ang mga bata lamang na ipinanganak bago ikasal ang kanilang mga magulang ang maaaring maging ‘legitimate’ kung magpapakasal sa hinaharap ang kanilang ama at ina.

Ibig sabihin hindi maaaring maging legitimate ang isang bata kung ang kanyang mga magulang ay di kasal, na siya namang katayuan ngayon. Forever na illegitimate ang bata o ang isang indibidwal kung siya ay naging tao na walang kasal.

Marami ang ganyang kaso ngayon– maraming anak sa labas hindi sa simpleng dahilan na hindi kasal ang kanilang mga magulang kundi hindi sila talaga maaaring ikasal dahil maaaring isa sa kanila ay nakatali o may commitment na sa iba.

Kung ganoon ang rason, talagang walang pagkakataon na maging legitimate ang isang bata, unless dumating na ang pagkakataon na ang kanyang mga magulang ay pareho nang malayang magpakasal (iyon ay kung love pa nila ang isa’t isa).

Maaaring sabihin ng iba na masaklap ang kasalukuyang setup — isang malinaw na diskriminasyon kasi nga naman kahit na kinilala ng isang lalaki ang kanyang anak sa babae na hindi niya pinakasalan, nananatiling hindi pantay ang kanilang karapatan sa ilalim ng batas.

Sa ilalim ng House bill 3138, papayagan din ang paggamit ng scientific method upang mapatunayan kung ang isang bata ay anak o hindi ng tatay na itinuturo ng nanay.

“All children shall have the right to bear the surname of father and mother in conformity with the provisions of the Civil Code and Special Laws, receive support from their parents and be entitled to the legitimate and other successional rights without any distinctions whatsoever.”

Ikaw, payag ka ba rito?

Dalawang linggo matapos hagupitin ng super bagyo ang Eastern Visayas, naipamalas ng maraming nasyon sa mundo na kaya nilang magkaisa.

Umapaw ang mga tulong, simpatya at pag-aalala ng maraming bansa para sa Pilipinas.

Ayon sa Malacañang, umabot na sa P14.9 bilyon o $343 milyon ang donasyon na naiambag ng iba’t ibang bansa para sa mga nasalanta ng bagyong ‘Yolanda’.

Hindi pa diyan kasama ang ipinangakong tulong ng World Bank at Asian Development Bank (ADB). Totoo nga kayang tulong ito o baka naman pautang ito?

Hindi kaya nila tayo sisingilin?

Nakakatakot kasi yang World Bank. Minsan iba ang sinasabi nito sa kanyang ginagawa.

Aba! Magandang maging malinaw kung bigay ba ang perang itutulong daw nila o baka utang na naman yan.

Totohanin kaya ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao ang kanyang pangako sa mga taga Visayas na dadalawin niya ang mga ito pagkatapos ng kanyang laban?

OK na ang dalaw, pero mas OK kung mabibigyan din niya ng “balato” ang mga kababayan natin sa Eastern Visayas mula sa kanyang napanalunan.

Ang balita kasi baka umabot sa P1 bilyon ang maiuwing kita ni Manny. Bukod kasi sa kita nito sa kanyang pagkapanalo, meron pa siyang makukuhang kita mula sa pay per view.

Manny, balato naman diyan!

Read more...