'Ipinangutang ko para makatapos pero iba umakyat sa entablado'

‘Ipinangutang ko lahat para makatapos siya pero iba umakyat sa entablado’

Ervin Santiago - June 23, 2025 - 12:55 AM

'Ipinangutang ko lahat para makatapos siya pero iba umakyat sa entablado'

Stock photo

MARAMING naapektuhan sa viral post ng isang ate na ginawa ang lahat para lamang mapag-aral at mapagtapos ang kanyang bunsong kapatid.

Nag-post ng open letter ang female netizen na si Ella sa Facebook page na  “MIDKn1ght” kung saan naglabas siya ng sama ng loob sa pag-graduate ng isa niyang kapatid.

Mababasa sa title ng kanyang FB post, “Ipinangutang Ko ang Lahat Para Makatapos Siya—Pero Iba ang Inimbitahan N’yang Umakyat sa Entablado.

“Dear Kuya Mid,

“Hindi ako nakatapos ng kolehiyo. Pero kahit gano’n, pinangarap kong may makapagtapos mula sa pamilya namin. Kaya nu’ng ako na ang pinagkatiwalaan ng bunsong kapatid kong si Aldrin, pinangatawanan ko ang responsibilidad.

“Ako po si Ella, panganay sa apat. Hindi ko mabilang kung ilang beses akong umuwing pagod mula sa pagtitinda sa palengke, ilang beses akong tumanggi sa pansariling luho, ilang gabi akong natulog na asin lang ang ulam para lang may maipadala kay Aldrin sa Maynila.

“At hindi ako nagreklamo. Kasi bawat text niya na, ‘Ate, pasado ako sa exam!’ ‘Ate, nakapasa ako sa OJT!’ Parang ako na rin ang nakaakyat ng baitang,” simulang pagbabahagi ni Ella.

Pagpapatuloy niya, “Hanggang dumating ang graduation. Nag-ipon ako, Kuya Mid. Umutang pa ako sa kapwa ko tindera para lang makapunta at mabigyan siya ng kahit maliit na regalo.

“Dala-dala ko pa ‘yung frame na pinag-ipunan ko para sa diploma niya—binili ko sa ukay pero inayos ko pa.

“Pagdating ko sa venue, tumayo ako sa pinakalikod. Naka-sando lang ako at faded na maong. Habang pinapalakpakan siya, ang dami kong naalala—yung mga araw na ako lang ang nagtatrabaho habang siya’y nag-aaral,” sabi pa ng letter sender.

Pagpapatuloy pa niya, “Pero ang pinaka-masakit, Kuya Mid?

“Hindi ako ang pinasalamatan. Hindi ako ang pinatayo. Hindi ako ang pinatabihan sa entablado.

“Ang pinaupo niya sa tabi niya, ang inakbayan niya habang hawak ang diploma—yung girlfriend niya.

“Nakangiti siya habang sinasabi sa mic: ‘Thank you sa lahat ng sumuporta. Sa mahal ko, salamat sa pag-intindi sa’kin habang abala ako sa pag-aaral. Para sa ’yo rin ’to.”

“Wala akong salita. Wala akong reklamo. Pero habang nakatayo ako sa likod ng crowd, yung frame na dala-dala ko para sa kanya, mahigpit kong niyakap…dahil sa dami ng taon na binigay ko, hindi pala ako kasali sa kwento ng tagumpay niya.

“Uuwi na lang ako nang tahimik, Kuya Mid. Sa palengke, kahit pawis at amoy isda ako, at least du’n…may halaga pa rin ang ginagawa ko,” ang buong laman ng liham ni Ella.

Sa comments section ng naturang post ay maraming nagsabing naaawa at nalulungkot sila para sa ate dahil parang binalewala lahat ng kanyang kapatid ang lahat ng kanyang paghihirap.

Ilang netizens din ang nagkomento na naiyak sila sa post ng letter sender at tinawag pang walang utang na loob ang bunso niyang kapatid.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Kayo dear BANDERA readers, ano ang maipapayo n’yo kay Ate sa pinagdaraanan niya sa kanyang pamilya?

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending